Lalaking dinapuan ng kakaibang sakit sa mukha, tutulungan ng 'iJuander'
Sa espesyal na pagtatanghal I Juander, kilalanin ang ilan sa mga taong sinusubok ngayon ng kakaibang karamdaman. Pero sa kabila nito, nananatili silang mga mukha ng pag-asa.
Si Susan Enriquez, dumayo ng Tarlac para bisitahin si tatay Gilbert. Dahil sa isang pambihirang kondisyon, tila naaagnas na ang kanyang kaliwang mukha. Wala na siyang tainga at nabubulok na rin ang kaliwang mata. Sa tulong I Juander, nakapagpasuri sa kauna-unahang pagkakataon si tatay Gilbert. May pag-asa pa kayang maibalik sa dati ang kanyang mukha?
At para kahit papaano'y pansamantalang maibalik ang mga ngiti sa kanyang mukha, dadalaw kay tatay Gilbert ang paborito niyang professional basketball player na si Jeff Chan. At maging ang Pambansang Bae na si Alden Richards.
Si Cesar Apolinario naman, walong oras ang ibinyahe papunta sa probinsya ng Abra para kilalanin ang magkapatid na Aileen at Nira. Taglay nila ang kakaibang kondisyon na kung tawagi'y Harlequin Ichthyosis. Nakararanas sila ng mabilis na pagtuklap ng balat, na siyang dahilan ng kanilang kakaibang hitsura. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa magkapatid? Lalo't dalawa sa mga kapatid nila na may ganito ring kondisyon, pumanaw na.
Alamin ang kuwento ng kanilang mga paghihirap. At humanga sa kanilang pagsusumikap. Kilalanin sila sa I Juander ngayong Miyerkules alas-otso nang gabi sa GMA News TV.