Filtered By: Newstv
NewsTV
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

IJuander: Sino-sino nga ba ang ilan sa mga kinatatakutang karakter ni Juan?

 


Ngayong Halloween, siguradong uso na naman ang iba’t ibang kuwento ng kababalaghan. Dahil diyan, balikan natin ang mga karakter sa ilang sikat na horror movies na talaga namang ating kinatakutan. Pero, ang tanong, bunga lang nga ba ng malikot na imahinasyon ang mga ito o posibleng may katotohanan sa likod ng mga makapanindig balahibong pelikulang ito?

Handa ka na ba sa isang listahan na puno ng kababalaghan?


1. Yayang Aswang (Shake, Rattle & Roll 8, 2006)
 

Courtesy of Regal Films

Naaalala mo pa ba ang yayang aswang na itinampok sa ika-walong serye ng  “Shake, Rattle, and Roll” noong 2006? Ayon sa nasabing pelikula, kuwento ito ng isang magulang na hindi makahanap ng kasambahay dahil sa sobrang kapilyuhan ng kaniyang anak. Hanggang isang araw ay nakahanap ang batang ito ng kaniyang katapat - ang Yayang Aswang.

Hango nga kaya ang konsepto ni Yayang Aswang sa totoong kuwento?

Mula sa salitang Malay na asuwang na ang ibig sabihin ay “maging isang malaking aso,” ginamit din ang salitang ito bilang pantukoy sa mga kinatatakutang nilalang katulad ng mga manananggal, tik-tik, balbal, wak-wak at marami pang iba. Sa katunayan, ginamit din ng mga Kastila ang salitang aswang bilang panakot sa mga katutubong Pilipino na ayaw magpabinyag sa Kristiyanismo.

Dagdag naman ng anthropologist na si Neil Lacson, “Ang aswang ay maaaring maiugnay sa pananampalatayang animismo ng ating mga ninuno na kung saan pinaniniwalaang may espiritu ang lahat ng bagay sa paligid. Pero, nang dumating ang mga Kastila, mas naipakilala naman ang konsepto ng masama at mabuti sa pamamagitan ng Katolisismo.”

2. Halimaw sa banga, 1986
 


Umiikot ang kuwento nito sa isang bangang pinaglibingan umano ng isang mangkukulam na pinatay ng taumbayan upang hindi na siya makapaghasik ng lagim. Pero, para makapaghinganti ay kinukuha naman niya ang katawan ng sinumang lumalapit sa banga.

Saan nga ba nanggaling ang konsepto ng halimaw sa banga?

Kung babalikan ang ating kasaysayan, ang paglilibing sa banga ay isang kaugalian na ginagawa na noon pa ng ating mga ninuno.


Ayon sa anthropologist na si Neil Lacson, “Traditionally, may ilang grupo ng mga Pilipino na ginagawa ang paglilibing ng yumao sa isang banga. Ang ganitong kaugalian ay makikita natin sa Cordilleras o sa ilang parte ng Mindanao.”
 

3. Undin (Shake, Rattle & Roll 3, 1991)
 

Courtesy of Regal Films
 

Matatandaan na unang nakilala ang karakter na Undin sa “Shake, Rattle & Roll Part 3.” Madalas itong ilarawan bilang isang nilalang na may mala-siyokoy na itsura, berde ang balat, malalaki ang mata, may mahabang buhok at naninirahan sa ilog o sa ibang anyo ng tubig. Batay sa pelikula na pinagbidahan ni Manilyn Reynes bilang Maloy, aksidente niyang nakuha ang itlog ng mga undin kaya sinundan siya nito hanggang sa kaniyang bahay.

Pero, may katotohanan nga ba sa likod ng kuwento ng Undin?

Ayon sa paranormal expert na si Jericho Ibanez, “Ang Undin ay isang nilalang na kabilang sa cryptozoology o uri ng mga animal creature na hindi natin nakikita sa zoo, ‘yung mga kakaibang nilalang kung tawagin natin.”
 

4. The Ring, 1998
 


Mula sa Pinoy horror movies, balikan naman natin ang isa sa mga sikat at lubos na kinatakutan ng lahat na Japanese horror movie, ang “The Ring.” Ngunit, ang kuwento ni Sadako ay tila nagkatotoo raw sa isang bayan sa Bulacan dahil may babae rin daw na nagpapakita sa balon!

Gaano nga kaya katotoo ang kuwentong ito?

Ayon kina Jeffrey Velasquez at Leti Villiamin, ilan sa mga residente na nakararanas ng kababalaghan, madalas daw silang makarinig ng iyak o kaya naman makakita ng kakaibang liwanag na nanggagaling mismo sa balon sa Bulacan. Upang mas malinawan ang lahat, nagsagawa ang iJuander ng isang imbestigasyon kasama ang paranormal expert na si Laiza Milo.

Ngunit, sa pagtatapos ng imbestigasyon ay wala namang naramdamang kakaiba si Laiza, “Okay naman ‘yung lugar, walang kakaiba. Except sa amoy ng kemikal na siyang nakaaapekto sa liwanag na tumatama sa balon at sa tubig.”
 

5. Twisty the Clown, American Horror Story
 

Courtesy of American Horror Stories
 

Maging ang karakter na dapat sana’y nagbibigay ng kasiyahan ay maaari ring magbigay ng katatakutan. Katulad na lamang ng karakter na si Twisty the Clown na binigyang buhay ng TV show na “American Horror Stories.”

Ang kuwento ni Twisty the Clown ay hango raw sa isang serial killer na si John Wayne Gacy. Ayon sa kuwento, nagpapanggap daw si Gacy na isang payaso upang makapangmolestiya ng mga batang lalaki. Pero bago siya mahuli ay umabot muna sa 34 ang kaniyang napatay habang 26 sa mga ito ay inilibing niya mismo sa ilalim ng kaniyang higaan.

Bakit nga ba bumenta si Twisty the Clown sa mga manonood? Ayon sa film director na si Jose Javier Reyes, “Clowns can either be loving or they can be symbols of horror. It taps on your fear na ‘yung akala mong nagbibigay sa’yo ng kaligayahan, ‘yun din mismo ang magbibigay sa’yo ng horror.”

Pero, bakit nga ba mas patok ang horror movies na hango sa totoong buhay?

“Mas grounded on truth siya. Kapag sinabi mo na based on true events, ang tao mas nagiging attached dahil totoo pa lang nangyari ito. Ikalawa, narinig na nila ang kuwento pero mas gusto nilang mapanood sa pelikula. Pangatlo, [alam na alam] na nila ang kuwentong ito at gusto nilang malaman kung paano gagawin itong isang pelikula,” wika ni Direk Jose Javier Reyes.

Hango man sa tunay na pangyayari ang mga pelikulang ito o likha lamang ng mga may malilikot na imahinasyon, laging tandaan na hindi dapat tayo nagpapauna sa takot.

“Ang mga kampon ng kadiliman na nakatira sa himpapawid at nakatira sa karagatan ay kinakalaban sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin na ginagamit mismo ang pangalan ng Panginoong Hesus,” pagtatapos ni Father Jojo Zerrudo.—Khrystyne Villan/BMS, GMA Public Affairs