Anong paraan ng transportasyon ang pinakamabilis papunta sa eskuwela o opisina?
Ika nga sa biro nating mga Pinoy, sa panahon ngayon, mas mabilis pang maka-move on sa pag-ibig kaysa sa trapik. Sa hawak na datos ng Numbeo, isang online database tungkol sa kalagayan ng mga siyudad at bansa sa buong mundo, ika-lima ang Pilipinas sa listahan ng mga may pinakamatinding problema sa trapiko!
Kaya’t ang GMA News TV program na “I JUANder,” sinubukang alamin kung ano nga ba ang pinakaepektibong paraan ng transportasyon tuwing rush hour dito sa Metro Manila. Mas mabilis ka bang makararating kung makikipagsisikan ka sa MRT, kung magdadala ka ng sariling sasakyan o mas mabuti ba kung nag-bus ka na lang?
Pinasakay nila sa iba’t ibang uri ng transportasyon mula North Avenue sa Quezon City patungong Baclaran Church sa Paranaque ang tatlong tao para sa isang social experiment na ginanap ng alas-otso ng umaga, kung kailan lahat ay papasok sa eskuwela o opisina.
Si Marian na mula sa grupong La Churva, magdadala ng sariling sasakyan. Si Angel na mula rin sa parehong grupo, sasakay ng bus. Samantalang ang modelong Angel din ang pangalan, makikipagsiksikan naman sa MRT.
Ang modelong si Angel, inabot ng halos 30 minuto bago tuluyang nakasakay sa mala-sardinas sa siksikan na MRT.
“Kanina akala ko mabilis lang, pero pagdating ng 2nd floor, sampung taon ang itinagal dahil sa haba ng pila. Tapos ‘di ako nakasakay agad ng MRT kasi puno na agad.”
Si La Churva Marian naman na nagdala ng sariling sasakyan ay naipit agad sa matinding trapik makalipas lang ang sampung minuto.
“Hindi pa po tayo nakalalayo sa North Avenue, nandito pa lang tayo sa paahon sa GMA, traffic na. Ten minutes palang ang lumilipas. Dito na magsisimula ang aking pagkabagot sa traffic,” reklamo ni Marian.
Si La Churva Angel na sumakay ng bus, usad pagong din dahil sa trapik sa Edsa.
Ayon sa listahan ng UP College of Engineering Professional Chair Colloquium, tatlo raw sa may pinakamatitinding trapik sa Metro Manila ay ang C-3 o ang daan mula Araneta Avenue, Gil Puyat Avenue at Ayala Avenue, ang C-4 o ang EDSA, Samson Road at Letre at ikatlo ay ang C-5, partikular na sa C.P. Garcia, E. Rodriguez at Katipunan.
Sa dulo ng hamon, nanguna ang modelong si Angel na nag-MRT dahil nakarating siya sa Baclaran matapos ang isang oras at apatnapu’t limang minuto.
Si Marian na nagdala ng kaniyang sariling sasakyan, pumangalawa matapos bumiyahe ng dalawang oras at labinlimang minuto.
At naging kulelat naman si La Churva Angel na inabot ng halos tatlong oras ang bus na sinakyan.
Pahayag ng modelong nag-MRT, “Mahirap talagang sumakay sa MRT, nakaka-haggard, pero kung gusto mo ng mabilis, ‘yun talaga (ang dapat sakyan).”—Annalyn Ardona/BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang I JUANder tuwing Miyerkules, 8 PM, sa GMA News TV. Maaari rin silang sundan sa Facebook at Twitter. Para sa mas maraming impormasyon tungkol sa iyong paboritong dokumentaryo, sundan ang GMA Public Affairs Facebook at Instagram.