Filtered By: Newstv
NewsTV
Hamon ng Kalikasan: Climate Change
HAMON NG KALIKASAN: CLIMATE CHANGE DECEMBER 13, 2012, 10:00 PM, GNTV Noong nakaraang linggo, sinalanta ng Bagyong Pablo ang Compostela Valley sa Mindanao. Umabot sa mahigit apat na raan ang patay at mahigit walong daan pa ang nawawala dahil sa biglaang pagguho ng lupa, dala ng matinding pagbuhos ng ulan. Disyembre rin noong nakaraang taon nang binagyo ng Bagyong Sendong ang Cagayan de Oro, na bahagi rin ng Mindanao. Daan-daan din ang nasawi at libo-libo ang nawalan ng tirahan dahil rin sa landslide. Ayon sa PAGASA, sa nakaraang animnapung taon, mahigit isang libong bagyo ang dumaan sa Pilipinas pero apatnapu lamang ang tumama sa Mindanao, o isang bagyo lang kada dalawang taon. Pero ngayon, tila sunod-sunod na ang pagdaan ng bagyo sa katimugang bahaging Pilipinas. Ito na nga kaya ang sinasabi ng ilan na epekto ng climate change? Sa Huwebes, December 13, samahan ang ekspertong totoo na si Nathaniel “Mang Tani” Cruz para alamin kung ano nga ba ang climate change at kung handa na nga ba ang Pilipinas para sa hamon nito. Malalaman natin mismo mula sa climate change experts kung ang mga nararanasan nating malalakas na bagyo ay indikasyon na nga kaya ng malawakang pagbabago sa ating pandaigdigang klima. Ano nga ba ang greenhouse gases at ano ang kinalaman nito sa climate change? Ipakikita rin ni Mang Tani kung ano-anong pang-araw-araw na gawain – tulad ng pagsakay sa pampublikong sasakyan, paggamit ng computer at pagkain ng hamburger - ang nakadaragdag sa greenhouse gases na nagpapainit sa ating mundo. Makikilala rin sa episode na ito ang ilan sa mga Pilipinong sinisikap na baguhin ang kanilang paraan ng pamumuhay para makatulong sa pag-iwas sa epekto ng climate change.
More Videos
Most Popular