Filtered By: Newstv
NewsTV

Tips para maengganyong tumulong sa gawaing-bahay ang mga bata


Malaking problema ng ilang magulang, lalu na ng mga nanay na nagtratrabaho, ang pagiging tamad ng mga anak pagdating sa gawaing-bahay. Minsan, dagdag-trabaho pang maituturing ang panghihikayat sa mga ito na tumulong, kaya’t marami sa ating mga mommy ang nagkikibit-balikat na lang at sasarilihin ang mga gawain sa bahay kahit pagod sa trabaho.

Ayon sa isang pag-aaral sa Amerika, tatlong oras lang kada linggo ang iniuukol ng mga batang edad 6 hanggang 12 para sa pagtulong sa mga simpleng gawaing-bahay - malayong malayo sa 14 oras kada linggong panonood ng telebisyon. Pagdating naman ng edad 13 hanggang 17, mas dumadami ang inilalaan nilang oras kasama ang mga kaibigan kaysa pananatili sa bahay.

Kaya naman para bawasan ang alalahanin at pagod ng mga magulang, nagbigay ng tips ang psychologist na si Cristina Gates upang madaling maengganyo ang mga anak sa pagtulong sa mga simpleng gawaing-bahay.

1. Subukan silang hingan ng pabor sa paglilinis kapalit ng isang bagay na kanilang magugustuhan.

Madaling makuha ang kiliti ng mga anak kung makikipagkasundo ang magulang kapalit ng isang bagay na tiyak na magugustuhan nila. Ilan sa maaaring ialok ay ang pagluluto ng paborito nilang pagkain, o ang pagpayag na mag-bonding sa bahay kasama ang mga kaibigan matapos tumulong sa paglilinis.

Maaari ding magbigay ng pabuya sa mga anak kapalit ng kanilang pagtulong. Ito ang  magsisilbing “positive reinforcement” sa kanila. Ilan sa mga bagay na maaaring ipangako sa kanila ay ang panonood ng sine at pagpunta sa mall matapos tumulong sa mga gawaing-bahay.

2. Maging creative sa paglalaan ng task sa mga anak.

Para mas lalo silang ganahan sa pagtulong, maaari silang bigyan ng “task” sa pamamagitan ng paglalaro. Ayon kay Gates, maaaring gumawa ng target kung saan nakasulat ang mga gawaing-bahay tulad ng pagwawalis, paghuhugas ng pinggan, pag-aayos ng mga gamit, at iba pa. Kung saan tumama ang dart, iyon ang gawaing nakalaan sa anak.

Maaari ding subukan ang “spin the bottle” kung saan magsasabi ng “task” si Mommy, at kung kanino titigil ang bote, sa kanya matotoka ang gawain.

3. Ituring na bonding moment ang paglilinis.

Isa sa mga pinaka-effective na paraan ay ang gawing kaswal ang pag-uusap habang magkasamang gumagawa ng gawaing-bahay. Maaring umpisahan ang kuwentuhan mula sa simpleng pangungumusta hanggang sa mga bagay na maaaring pagkatuwaan tulad ng mga nangyari sa araw niya sa klase, at pagbibigay ng tips sa pagluluto.

4. Mainam na magtalaga ng araw at oras ng pagtulong sa mga anak.

Sa pamamagitan ng paglalaan ng specific na araw at oras sa mga anak sa paglilinis, maaari silang makabuo ng habit. Ayon kay Gates, kung consistent ang magiging pagtulong ng anak, makakaugalian niya na ito.

Tatlong linggo ang kalimitang itinatagal ng isang gawain bago tuluyang ma-establish bilang habit, kaya naman matapos ang tatlong linggo, mainam daw na suriin kung ipagpapatuloy pa rin ng anak ang paggawa ng ibang gawaing-bahay upang malaman kung tumatak na ito sa kanyang routines.

5. Huwag tutukan ang anak habang naglilinis.

Mas lalo umanong tatamarin ang mga anak na kumilos kung tinututukan ng magulang ang bawat galaw niya sa paglilinis. Hindi rin magandang ugaliin ang pag-uutos nang paulit-ulit at pagiging mapilit. Mainam na hayaan lamang na manatili sa mga anak ang kusang pagsunod sa mga gawaing inilaan para sa kanya.

6. Higit sa lahat, practice what you preach, Mommy!

“It’s always best to live by example. If you want them to be orderly, be orderly yourself,” ani Gates. Mabuti nang nakikita ni bagets kung gaano kalinis sa bahay si mommy para naman unti-unti niyang makuha ang pag-uugali na ito sa pagdaan ng mga araw.

Isang magandang halimbawa ang dapat ipakita ni mommy sa kanyang mga anak - ito ang pinakamainam na paraan upang maengganyo ang mga anak na tumulong sa mga gawaing-bahay!  — Donna Allanigue/CM, GMA News
 
Tags: webexclusive