Sarah Lahbati, inaming mas kilala na niya ngayon si Richard Gutierrez
Inamin ng Kapuso actress na si Sarah Lahbati na enjoy siyang katrabaho ang co-star niya sa GMA drama na "Makapiling Kang Muli" na si Richard Gutierrez. Magaan daw itong katrabaho dahil "very professional" ang binata. "Wala siyang arte," sinabi ni Sarah sa kanyang panayam sa programang "Follow That Star" ng GMA News TV. "Makikita mo na he's passionate about his work." Ipinakita rin sa programa ang closeness ng dalawa. Sa set ng kanilang teledrama, naabutan pa ng "Follow That Star" na binigyan ni Richard si Sarah ng regalo bago magsimula ang taping. Ani Sarah, pinalitan lang naman daw ni Richard ang pares ng sunglasses na nawala niya noon. Maugong ang balitang nagkakamabutihan na raw ang dalawa. Sa isang panayam sa "Showbiz Central" noong nakaraang linggo, sinagot naman ni Sarah ang usap-usapang nahuhulog na raw ang loob niya kay Richard. "Masasabi ko na mas kilala ko siya talaga (ngayon) kasi compared to before na wala akong idea kung sino ba talaga siya," sabi ni Sarah. "He is such a gentleman. 'Yon ang isang bagay na talagang kinakahangaan ko sa kanya - 'yung pagiging gentleman niya at saka pagiging caring sa co-actors niya," dagdag niya.