'Day Off' goes to Korea!
Dalawang Pinoy pride ang mabibigyan ng reward ng Day Off dahil sa kanilang kahusayan at kasipagan sa trabaho.
Taong 2013 nang ipinalabas ang Korean movie na "The Flu". Nagng laman ng usapan ang pelikula hindi lang sa Korea kundi pati sa Pilipinas dahil sa pagganap dito ng isang Pinoy na si Lester Andrada. Sa pelikula, ginampanan niya ang karakter na si Mossai, ang asyanong nagdala ng antidote para mapuksa ang lumalaganap na virus sa Korea. Paano nga ba niya nakuha ang role na ito at naging bihasa sa pagsasalita ng Hangul o Korean national language? Ang lengguwaheng ito rin ang naging susi niya para makapagtayo ng sariling Korean Language School sa Laguna. Hindi lang kahusayan sa pag-arte ang kayang ipakita ni Lester dahil sa totoong buhay isa rin siyang deserving na Day Off winner.
Samantala, ang 31-year old filmmaker na si Nash Ang ay nagbigay din ng karangalan sa Pilipinas nang mapili siya bilang pinakamahusay na direktor sa Pyongyang International Film Festival. Noong nakaraang taon ay nagpunta siya ng North Korea para gumawa ng pelikula na may titulong "Paraiso" na nabigyan din ng special festival prize. Isa siyang International Correspondent sa Seoul Global Center kung saan nag-ko-cover siya ng mga balita at kaganapan na makatutulong sa mga Pinoy na nakatira sa Korea. Naibabahagi rin niya ang kulturang Pilipino sa mga Koreano at ibang nasyunalidad dahil sa trabahong ito. Sa dami ng achievements ni Nash, ang pagbabakasyon sa trabaho naman ang hindi niya nagagawa? Paano kaya siya sosorpresahin ng Day Off team?
Sa espesyal na araw nina Lester at Nash ay sasamahan silang maglamyerda nina Janine Gutierrez at Dasuri Choi sa bansang kanilang pinusuan, ang South Korea!
Papasyalan ni Lester ang Dongdaemun para matikman ang iba't ibang Korean street food. Lalabas ang pagiging fanboy at fangirl nila sa pagbisita sa Provence Village ang shoot location nina Matteo at Steffi ng Korean drama na My Love From the Star. Dream come true naman kay Lester ang marating ang Nami Island, ang shoot location ng sikat na Koreanovela na Endless Love: Winter Sonata. Todo ang awra nila sa pag-se-selfie at groufie sa lugar na ito pero ang pinaka-kinakiligan daw ni Janine ay ang pag-wi-wish sa Belle Bell.
Samantala, ipararanas muna ni Nash ang kaniyang trabaho kina Janine at Dasuri sa teatro. Vocalization, script reading, acting at stage performance ang kakarerin ng dalawa sa isang park. Mapahanga kaya nila ang Korean audience?
Sa Gyeongbokgung Palace naman ang pasyal destinasyon ni Nash para makapagsusuot sila nina Janine at Dasuri ng Hanbok at makakapag-tour sa isang Korean traditional house. KPop star naman ang peg nila sa Namsam Seoul Tower dahil unlimited selfies and groufies ang kanilang ma-e-experience sa isang photobooth. Ihandang mabusog ang mga mata dahil fusion ng Japanese at Korean cuisines ang food trip na ipapatikim kay Nash.
Ang Day Off katropang si Dasuri Choi hindi naman pinalampas na makabisita sa kaniyang mga mahal sa buhay. Dahil ikakasal na ngayong Oktubre ang kaniyang Ate Tina, gusto raw niya makabawi rito. Miss na raw nila ang isa't isa dahil busy mode sa trabaho si Dasuri sa Pilipinas. Magkaroon kaya ng senti moments ang magkapatid sa wedding preparations na ito? Game na game rin ang lola ni Dasuri na ituro kung paano gumawa ng traditional Korean side dish na Kimchi. Makasabay kaya si Janine sa step by step kimchi making ng ating "My Foreignay" lola?
Dalawang episode na siksik sa saya at may kurot sa puso! Samahan ang tropa ng Day Off sa Korea ngayong Sabado, 6:15 PM sa GMA. News TV !