Ang marahas na laban kontra droga, sisiyasatin sa 'Brigada'
Sa huling tala ng pulisya, hindi bababa sa isang daan ang napaslang na mga pinaghihinalaang sangkot sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot simula nang manungkulan ang administrasyong Duterte. Ang nangyayaring paglilinis na ito sa ating lipunan ikinadismaya ng ilan dahil sa tila kawalan ng "due process" at paglaganap ng kultura ng karahasan sa pagresolba sa problemang ito. Siniyasat ni Mariz Umali ang mga isyung kaakibat ng lumolobong bilang ng mga napapatay na kaugnay ng droga sa iba't ibang panig ng bansa.
Sa kabila ng tila marahas na pamamaraan ng gobyerno sa kampanya kontra droga, may ilan pa rin namang mga elemento ng pulisya na idinadaan sa kakaibang gimik ang kanilang operasyon para makumbinsi ang mga lulong sa droga para magbagong buhay. Sa katunayan, ipinatutupad ngayon ang Oplan Tokhang o ang pangangatok at pakikiusap ng mga awtoridad sa mga drug users. May ilang idinadaan sa harana ang pangungumbinsi, may iba namang zumba ang piniling paraan ng rehabilitasyon sa mga sumukong aminadong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Inalam ni Jay Sabale kung epektibo nga ba ang mga tila kakaibang paandar na ito kontra droga.
Makasaysayan ang Ilog Pasig na nasa puso mismo ng kalakhang Maynila. Bukod kasi sa mga pangunahing lansangan sa kalungsuran, nagsilbing mahalagang daluyan ng buhay at komersyo ang Ilog Pasig para sa mga Pilipino bago pa man tayo sakupin ng mga banyaga. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unting kumupas ang halaga nito matapos maging biktima ng walang pakundangang pagtatapon ng basura at malawakang polusyon. Mabuti na lang aktibo sa kanilang misyon ang tinaguriang Pasig River Warriors na ang pangunahing layunin ay ibalik ang sigla ng halos patay nang ilog. Inalam ni Mav Gonzales ang iba't ibang aspeto ng kanilang grupo sa paglilinis at pagpapanatili ng Ilog Pasig.