Filtered By: Newstv
NewsTV

Epekto ng pagtaas ng inflation rate sa bansa, tatalakayin sa 'Brigada'


BRIGADA
October 23, 2018
8 pm sa GMA News TV

LABAN NG SIKMURA

Kaliwa’t kanan ang pagtaas ng mga bilihin sa bansa, kasama na ang pagkain.  Ang epekto nito sa ilan nating mamayan: gutom.  Katunayan, ayon sa pinakahuling survey ng SWS, tumaas ang bilang ng mga nagsasabing nakaranas sila ng gutom.

Kasama sa nakararanas ng gutom ang pamilya ng dose anyos na si Dan Lloyd.  Pero imbes na magpatalo sa sitwasyon, gumagawa ng paraan si Dan Lloyd para makakain ang siyam na miyembro ng kanilang pamilya.  Ito ay sa pamamagitan ng pagpunta sa Divisoria para mamumulot ng gulay na pwede pang pakinabangan at ibenta.  At kahit tatlong oras lang ang kanyang tulog dahil sa trabahong ito, pumapasok pa rin sa klase ang bata. Hindi kasi nawalala ang pag-asa para kay Dan Lloyd na balang araw, matutupad ang kanyang pangarap na maging pulis.

Labis na malnutrisyon naman ang dinaranas ng sampung taong gulang na si JC. Dahil sa pagiging buto’t balat, siya na ang pinakapayat sa lahat ng kabataan sa Sitio Dumpsite sa Antipolo, Rizal. Dahil na rin sa labis na kahirapan, kape na lang ang naipauulam sa kanya ng kanyang ina, kaya naman nagresulta ito sa timbang niyang maihahambing lang sa bigat ng isang sanggol. Mabuti na lang at may mga grupo ng gaya ng Reach Out Feed Philippines na pinamumunuan ni Pastor Miguel na tumutugon sa kakulangan ng nutrisyon ng mga bata sa mga mahihirap na komunidad. Inalam ni Bam Alegre kung paano nila nagagawang pagkasyahin ang maliit na budget para mapakain ang mga batang kulang sa timbang.

Ngayong Martes, samahan sina Saleema Refran at Bam Alegre na kilalanin ang mga taong patuloy na lumalaban at hindi nagpapatalo sa gutom.

Tags: brigada