Filtered by: Newstv
NewsTV

Sugal sa Pilipinas, tatalakayin sa 'Brigada'



SUGAL

Bukod sa droga, mas paiigtingin na raw ngayon ng pulisya ang kampanya kontra iligal na sugal. Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 13 kung saan papatawan ng mas mabigat na parusa ang sinumang mahuhuling sangkot dito. Pero ang tanong, magiging epektibo kaya ang kampanyang ito para masugpo ang ugat ng iligal na sugal dito sa ating bansa? Inalam ni Lala Roque kung anu-ano ang detalye ng bagong utos na ito ng pangulo.

FIVE FINGERS

Isa ang Mariveles, Bataan sa naging saksi sa tindi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pero bukod sa bahaging ito ng ating kasaysayan, dinarayo rin ang bayang ito dahil sa magandang tanawing matatagpuan dito – ang Five Fingers cove! Kamangha-mangha hindi lang ang hitsura nitong mga daliri ng kamay mula sa kalangitan, kundi pati ang nakahahalinang ganda nito na maikukumpara raw sa mga tanawing matatagpuan sa Batanes. Nilibot ni Tricia Zafra ang maganda at makasaysayang lugar na ito.

DUGO

Bagamat hindi pa natin sa ngayon nararanasan, hindi raw malayong magkaroon tayo ng kakulangan sa suplay ng dugo ayon mismo sa Philippine Red Cross. Ito’y dahil sa kakaunti rin daw kasi ang mga kababayan nating boluntaryong nagbibigay ng dugo. Pero sa kabila nito, kahit pa ipinagbabawal sa batas, mayroon pa ring mga nakalulusot na nagbebenta ng kanilang dugo sa mga tila desperadong pasyenteng kailangang kailangan na masalinan ng dugo. Sinuri ni Athena Imperial ang isyu ng napipintong kakulangan ng suplay ng malinis na dugo.