Filtered By: Newstv
NewsTV
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Ano nga ba ang pagkaing halal?


Ngayong September 25, 2015, ipinagdiriwang ang isa sa pinakamalaking okasyon ng mga kapatid nating Muslim: ang Eid al-Adha o Feast of Sacrifice. Hindi maikakailang malaking bahagi ng kulturang Islam ang pagkain. Patunay nito ang pagkakaroon nila ng konsepto ng halal o mga pagkaing pinapayagan lamang ng kanilang relihiyon.

Ang bawat Muslim kasi, sa utos ni Allah, marapat lamang kumain ng mga pagkaing malinis at alinsunod sa tradisyong Islam. Haram o ipinagbabawal sa mga Muslim ang pagkaing may sangkap na baboy kaya karamihan sa kanilang mga putahe ay mula sa baka o manok. Ipinagbabawal din ang paghahalo ng anumang kemikal na pampalasa.

Matatawag daw na halal ang pagkain kung ang mga hayop tulad ng baka, kambing o manok ay hindi pinakain o tinurukan ng anumang kemikal. Kinakailangan din ng isang Imam para manguna sa mga seremonya sa pagkatay sa mga hayop.

Ano nga ba ang ilan sa mga sikat na putaheng halal ang pinagmamalaki ng mga Muslim?

Tiyula Itum o black soup
 


 

Tinawag itong black soup dahil sa kulay ng sabaw. Maihahalintulad ito sa karaniwang nilagang baka ngunit nagiging espesyal ito dahil sa pulbos na hinahalo rito mula sa sinunog na niyog.

 

Beef Kulma
 


Ito ay isang ulam ng mga taga-Tausug na hinahaluan ng curry. Maihahalintulad ito sa popular na chicken curry.

 

Chicken Pianggang
 

Ang Pianggang ay nahahawig sa chicken adobo ng mga Tagalog. Tulad ng Tiyula Itum, hinahalo rin sa manok ang pinulbos na sinunog na niyog.

 

Pitis
 


 

Ang pitis ay gawa sa malagkit na bigas at nahahawig sa suman. Isa ito sa mga paboritong desserts ng mga Muslim.

 

Putli Mandi
 


Ang Putli Mandi ay isa ring kakanin na kalimitang pinalalamanan naman ng bukayo at nababalot sa niyog. Maihahalintulad ito sa pichi-pichi.—Kimberlie Refuerzo/BMS, GMA Public Affairs

Mapapanood ang Brigada tuwing Martes, 8:00 PM sa GMA News TV. Para sa karagdagang impormasyon sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.