Filtered by: Newstv
NewsTV
Mga pekeng produktong mabibili sa merkado, siniyasat ng 'Brigada'

“RP: REPUBLIKA NG PEKE?”
June 7, 2015
8 pm sa GMA News TV
Sa dami ng mga produktong naglipana sa merkado sa panahon ngayon, tila mahirap na raw malaman kung ano ang pagkakaiba ng pekeng produkto sa totoo. Nararapat nga ba tayong bansagang “Republika ng mga Peke?”
Isa sa mga pinakapinag-uusapang pekeng produkto ngayon ang pangunahing pagkain pa man ding hindi natin sukat akalain na magagawa palang pekein – ang bigas! Una itong napabalitang kumalat sa Davao kung saan inireklamo ang tila pagiging foam nito kapag hinugasan. Sa tulong ng NFA o National Food Authority at ng iba pang mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, inalam ni Ian Cruz kung may dapat nga bang mangamba sa kumakalat diumanong pekeng bigas.
Dapat din daw na mas maging mapagmatyag ang mga Pilipino sa mga pekeng gamot na imbes na makapagpabuti, nagiging banta pa sa ating kalusugan. Naglipana na raw kasi ang sari-saring pekeng gamot na dahil sa labis nitong kamurahan, hindi maiwasang hindi tangkilikin ng ilan sa mga mahihirap nating kababayan. Sa FDA o Food and Drugs Administration naman isinangguni ni Bam Alegre ang mga nadiskubre niyang pekeng gamot.
Tila bukas na lihim din sa ating mga Pilipino ang pagtangkilik ng karamihan sa mga pekeng kasuotan at mga kagamitan tulad ng mga damit, bag, sapatos, at kung ano-ano pa. Sa husay kasi ng pagkakapeke sa mga ito, halos gayang-gaya na ang orig! Takbuhan ito ng mga gustong sumabay sa usong porma nang hindi nabubutas ang bulsa. Pero tunay nga bang nakatitipid sa tuwing tumatangkilik ng mga ito gayong tila lantad din naman na kapos sa tibay ang iba’t ibang mga pekeng produkto? Nilibot ni Victoria Tulad ang iba’t ibang mga pamilihan sa Kamaynilaan hindi para mag-shopping, kundi para inspeksyunin kung may nalalabag nga bang batas sa pagbebenta ng mga pinekeng kagamitan.
More Videos
Most Popular