Filtered By: Newstv
NewsTV

Iba't ibang kuwento ng pagtatapos, tampok sa 'Brigada'


BRIGADA
Martes, Marso 31
8 PM sa GMA News TV-11




Panahon na naman ng graduation, ang panibagong yugto sa buhay ng bawat estudyante kung saan magbubunga na ang maraming taong ginugol sa pag-aaral sa eskwelahan. Kadalasan hudyat ito ng bagong simula sa patuloy nilang pagtuklas sa karunungan. Subalit para sa ilan, ito ang natitira nilang pag-asa para matakasan ang labis na kahirapan.

 
Espesyal ang pagtatapos sa Tañong Integrated School sa Malabon ngayong taon dahil ang makatatanggap ng kanilang mga diploma sa elementary, kabilang lang naman sa pinakamahuhusay at pinakamatatalinong estudyante sa buong bansa. Ayon kasi sa datos ng DepEd o Department of Education, isa sila sa mga nangunang eskwelahan sa pinakahuling National Achievement Test. At nakamit daw nila ito sa pamamagitan ng pagtutulungan at dedikasyon ng mga estudyante maging ng mga madiskarteng guro. Inalam ni JP Soriano ang iba pang sikreto sa kahusayan ng kanilang eskwelahan.


 
Samantala sa Capacuan Elementary School naman sa Camarines Norte, payak pero napakamakabuluhan naman ng ginanap na pagtatapos ng kanilang mga estudyanteng nagpupumilit magsumikap kahit pa nasasadlak ang ilan sa kanila sa pagmimina maitawid lang ang kanilang pag-aaral. Isa ang eskwelahang ito sa mga pinakanahuhuling paaralan kung National Achievement Test ang pagbabasehan. Pero kung sipag ang pag-uusapan, marahil isa ang mga estudyante rito ang nangunguna.  Dito nakilala ni Victoria Tulad si Andoy at iba pa niyang mga kaklase, at dito napag-alaman niya ang nakalulungkot na katotohanan sa araw-araw nilang pinagdaraanang pagsubok para lamang magkaroon ng pantustos sa mga gastos sa pamilya at eskwela.