Filtered By: Newstv
NewsTV

Pinakaunang destinasyon ng ‘Biyahe ni Drew,’ babalikan ngayong Biyernes


 

Naalala n’yo pa ba ang pinakaunang destinasyon ng Biyahe ni Drew? Sa Biyernes, muling babalikan ni Drew Arellano ang lugar kung saan nagsimula ang lahat – Bislig!

Nasa Surigao del Sur ang Bislig. Hindi naman masyadong malayo ang pinagkaiba ng Bislig noon at ngayon. Pero ang pinakamalaking pagkakaiba siguro ay ang pagiging mas maganda ng daan kaya mas mabilis na ang biyahe.

 


Ang first stopover ni Drew ay ang Tinuy-an Falls na sinasabing isa sa pinakamalapad na falls sa Pilipinas. Sa lapad na 95 meters at taas na 55 meters,  ito nga raw ang bersiyon natin ng Niagra Falls.

Pupuntahan din ni Drew ang Kawa-Kawa sa Awog, isang natural pool na maihahalintulad daw sa kawa o higanteng lutuan.  Kalapit lang nito ang Hinayagan Cave na dati namang pinagkukutaan ng mga Hapon noong World War II.

 


Kung snorkeling at diving sites ang hanap n’yo, rekomendado ni Drew ang Tinago na isa pang taguan ng mga Hapon noon. Magtanong-tanong lang daw sa mga bangkero at tiyak mahahanap n’yo ito.

 


For good eats, tiyaking matikman ang puto balanghoy, isang kakanin na gawa sa kamoteng kahoy at perfect partner ng dinuguan o kape. Nariyan din ang salvaro na mala-kropek naman ang dating.

For the icing on the cake, babalikan ni Drew ang nakabibighaning Enchanted River na siyang pinakasikat na attraction sa kalapit bayan ng Hinatuan.  May lalim na 80 feet ang ilog kaya deep blue ang kulay nito. At sa sobrang ganda, libo-libo na ang mga taong bumiyahe rito.

Bago iwan ang Bislig,  kukumustahin ni Drew ang mga nakilala niya sa kaniyang unang pagbisita rito. Paano nga ba nabago ng turismo ang kanilang buhay?

Alamin sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.