Filtered By: Newstv
NewsTV

Pag-asa sa Cateel, tampok sa 'Biyahe ni Drew'


Biyahe ni Drew:  Cateel, Davao Oriental

 

Nang tumama ang Bagyong Pablo sa Davao Oriental noong 2012, isa ang bayan ng Cateel sa pinakamatinding nasalanta.  Mag-a-apat na taon matapos ang flashfloods at landslides na dala ng bagyo, kukumustahin ni Drew Arellano ang Cateel sa Biyernes.

 

 

Sasalubungin si Drew ng Tribong Mandaya sa pamamagitan ng sayaw.  Sa kanilang pag-indak, makikita ang pag-asang umusbong mula sa hirap na kanilang dinanas nang wasakin ng bagyo ang kanilang bayan.

 

Sa Aliwag-wag Falls, malulula siya sa taas nito na umaabot ng 1,100 feet above sea level.  Ito raw ang longest cascading waterfalls sa Pilipinas! Bagamat nasira ng Bagyong Pablo ang mga puno na nakapalibot sa Aliwag-wag,  ngayon back in business na ito dahil ginastusan ang rehabilitasyon ng eco-park.  Sa Mahan-ob Falls, mabibighani si Drew sa ganda ng talon. Pero makukumpleto lang ang lakad with a Cateeleño merienda, ang pulang saging na kung tawagin ay murawu.

 

Meanwhile, sisisirin ni Drew ang ganda ng marine life ng Cateel sa Taclobo Sanctuary. Masisilip din niya ang plantasyon ng sili na isa na ngayong alternatibong kabuhayan sa Cateel.

 

 

Sa kaniyang food sampling, number 1 sa listahan ni Drew ang local lobster o banagan.  Depende sa laki, P600-750 per kilo ang presyo nito. Mas mura pero kasing-sarap daw ng karaniwang lobster. Titikman din niya ang karaykay na mala-nilasing na hipon ang dating, ang tuway o itim na suso, at ang bunga ng nipa na kalasa raw ng buko.

Nakaahon na nga ba ang Cateel sa  iniwang pinsala ng Bagyong Pablo?  Alamin sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM, sa GMA News TV.