Filtered By: Newstv
NewsTV

Bantayan island, ang hidden gem ng Cebu sa 'Biyahe ni Drew'


Biyahe ni Drew: BANTAYAN ISLAND
Biyernes, November 7, 2014
8 pm on GMA News TV

Biyernes sa "Biyahe ni Drew," babalikan ni Drew Arellano ang isa sa mga matinding tinamaan ng Super Typhoon Yolanda, ang Bantayan Island sa Cebu!
 
Bago tamaan ni Yolanda, isa ang Bantayan Island sa mga hidden gems ng Cebu na dinarayo ng parehong local at foreign tourists dahil sa mala-Boracay nitong buhangin, world-class resorts at must-see tourist attractions.  Pero siyamnapung porsiyento ng mga kabahayan at istruktura rito ay nawasak dahil sa matinding hanging dala ng super typhoon.  Kumusta na kaya ang isla?

Sa pagdating ni Biyahero Drew, aksiyon agad!  Sa Sta. Fe, iikutin niya ang bayan sakay ng isang bisikleta na 200 pesos kada walong oras ang arkila. Didiretso siya sa Ogtong Cave Resort kung saan makikita ang  tila isang  swimming pool sa loob mismo ng Ogtong Cave.

Sa Bantayan Island Nature Park, makikita pa rin ang bakas ng hagupit ni Yolanda.  Pero kahit papaano, nakabangon na ang 8-hectare nature park na ito. Bukod sa iba’t ibang amenities tulad ng swimming pool, meron ding watersport activities. Pero ang pinakasikat na atraksiyon ng lugar, ang natural swimming pool na matatagpuan sa loob ng isa pang kweba, ang  Sto. Nino Cave.  Sa Beach Placid naman sa F. Roska Street, may mga option din para sa island-hopping at snorkelling.

Siyempre matapos ang nakakapagod na water activities, it’s time to eat!  Sa Tristan’s Pizza sa Talisay, masusubukan ni Drew ang Fisherman’s Meal na siksik sa nakakagutom na fresh seafoods! Samantala, titikman din niya ang native kakanin na Puto Balanghoy. At para sa almusal, lalantakan niya ang daing na buwad na katumbas ng danggit ng Cebu.
 
Samahan si Drew at alamin kung ano na ang kalagayan ng Bantayan sa Biyahe ni Drew, Biyernes, 8 PM sa GMA News TV.