Filtered By: Newstv
NewsTV

Secret paradise ng Governor Generoso, Davao Oriental sa 'Biyahe ni Drew!'


Biyahe ni Drew: GOVERNOR GENEROSO
Biyernes, August 29, 2014
8 pm sa GMA News TV



Tuloy ang lakwatsa ni Biyahero Drew Arellano sa Mindanao at sa Biyernes, sa Governor Generoso siya dadalhin ng makakating paa niya!


Isang tahimik na munisipyo sa Davao Oriental ang Governor Generoso o Gov Gen.  “Sigaboy” ang dati nitong pangalan pero noong 1948, ginawa itong Governor Generoso ni dating Pangulong Elpidio Quirino bilang parangal sa dati nitong gobernador na si Sebastian Generoso.


Tinatawag na Fishing Capital of Davao Oriental ang Gov Gen.  Sa Tibanban Wharf, makikita ni Drew ang masiglang kalakaran at sangkatutak na seafoods!  Sa Coastal Road naman ng Brgy. Monserrat at Brgy. Tamban,  puwedeng pumuwesto para makita ang paglubong ng araw na sinasabing pinakamaganda sa rehiyon! Habang hinihintay ito ni Drew, aarkila siya ng bisikleta for more sightseeing.  Sa halagang 100 pesos, magagamit mo na ito nang buong araw! Sulit ‘di ba?


Dahil hindi pa popular na tourist spot ang Gov Gen, hindi gaanong marami ang mga pwedeng kainan dito. Buti na lang puwedeng mamalengke at magpaluto sa Mayjoy Fastfood. Sa Aloy Farm and Tilapia Hatchery naman, puwede kang manghuli ng isda at ipaluto ito sa kanilang kusina. Pero kung ayaw mong magpaluto, meron din  namang mga putaheng laging maaasahan tulad ng litsong manok at barbeque.


Bago matapos ang biyahe ni Drew, magtatampisaw muna siya sa Pink Beach, ang pinakasikat na destinasyon ng mga turista sa Gov Gen! Kakaiba ang buhangin dito na kulay pink dahil na rin sa mga red corrals na nadurog at naging buhangin sa paglipas ng panahon.  Sisilipin din ni Drew ang ipinagmamalaking historical landmark ng lugar, ang “The Altar” na matatagpuan  sa Parolo Beach sa Cape of San Agustin.  Ang kakaibang rock formation na ito raw ang naging saksi sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa probinsiya.

Sama na sa Biyahe ni Drew sa Governor Generoso, Davao Oriental, sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.