Filtered By: Newstv
NewsTV

Pagbangon ng Coron mula sa bagyong Yolanda, tampok sa 'Biyahe ni Drew'



Biyahe ni Drew: Coron Matapos si Yolanda
Biyernes, 22 November, 10 pm sa GMA News TV
 
Biyernes sa Biyahe ni Drew, babalikan ni Drew Arellano ang isa sa pinakapaborito niyang destinasyon sa Pilipinas, ang Coron sa Palawan. Kamusta na kaya ang Coron matapos manalanta ang Bagyong Yolanda?

Halos dalawang linggo pa lang ang nakararaan nang tumama ang sinasabing pinakamalakas ng bagyong naranasan ng buong mundo—ang Typhoon Haiyan o mas kilala natin bilang Yolanda. isa sa mga tinamaan nito ay  ang isla ng Coron na kabibisita lang ni Biyaherong Drew dalawang buwan pa lang ang nakalilipas. At dahil hindi masyadong nabigyan ng atensiyon ng media ang Coron, pinili ni Drew na rito pumunta.   Ang kaniyang misyon:  ang muling puntahan ang isla at tumulong sa relief efforts dito.

Sakay ng isang pribadong eroplano para magdala ng tulong, tila hindi gaanong naapektuhan ang Coron kung titingnan mula sa itaas. Pero iba ang istorya sa mismong isla.  Sa airport pa lang, makikita na ni Drew ang papanalanta ni Yolanda, mula sa mga basag na salamin hanggang at mga nasirang divider at kagamitan.

Sa downtown, sasalubungin si Drew ng mga bakas na iniwan ni Yolanda. Nagkalat ang mga bumagsak na electrical wiring, mga nasirang bubong at nagtumbahang puno. Pero sa kabila nito, maririnig ni Drew ang tila walang humpay ng pagpukpok ng mga taga-Coron, isang senyales na bumangon na sila at handa nang magsimula muli.

Isa-isa ring bibisitahin ni Drew ang mga pinuntahan niya sa huli niyang pagbisita rito:  ang Mt. Tapyas kung saan makikita ang krus na tila gumagabay sa mga taga-Coron.

Ang Maquinit Hot Springs sa Sitio Maquinit na paboritong natural spa ng parehong mga turista at taga-rito; ang Public Market kung saan kukumustahin ni Drew ang mga tindera; at siyempre, ang pamosong ship wrecks ng Coron na sinisid ng ating biyahero sa kaniyang huling bisita. 

Kamustahin natin ang Coron sa Biyahe ni Drew, sa Biyernes, 10PM sa GMA News TV.