Mala-paraisong Coron, dadayuhin sa 'Biyahe ni Drew'
Biyahe ni Drew: Coron, Palawan
Biyernes, August 23, 10pm sa GMA News TV
Ang Coron sa Palawan ay 45 minutes away lang via plane mula sa Maynila. Pero tila ibang mundo ang madidiskubre ni Biyahero Drew Arellano sa kaniyang biyahe sa hidden gem na ito!
Iba’t ibang tour packages ang naghihintay sa mga gustong bumisita sa Coron. At depende sa budget mo, tiyak na may swak na package para sa iyo. Kaliwa’t kanan ang hotels, inns at guest houses sa dating fishing village na ito kaya hindi ka mawawalan ng tirahan. Pwede ka ring mag-arkila ng motorsiklo o mangontrata ng traysikel kung gusto mong maglibot-libot.
Pag dating sa pagkain, hindi mauubusan ang Coron. Sa Lolo Noys, titikman ni Drew ang iba’t ibang putaheng luto ng kanilang Bicolano chef. Sa Tita Esh Eatery, lalantakan niya ang sikat nitong specialty na pansit. Sa Santino’s Grill, grilled seafood naman ang bida. At hindi iiwan ni Drew ang Coron nang hindi natitikman ang pinakasikat nitong produkto, ang kasuy!
Kilala ang Coron sa napakaganda at mayamang natural resources nito. Kaya kung nature-tripping ang gusto mo, tiyak magiging paraiso ang Coron para sa iyo. Sa Maquinit Hot Springs, halos mapapaso si Drew sa paglubog sa napakainit pero therapeutic na natural hot spring pool.
Sa Mt. Tapyas, aakyatin niya ang higit 700 steps para marating ang Stations of the Cross. Dito niya makikita ang best view ng Coron at ng mga nakapalibot ng isla rito. Ito rin ang mga islang bibisitahin niya sa kaniyang one-day island-hopping adventure! Pitong isla ang kasama sa tour, kasama na ang Syete Pecados na perfect snorkeling spot at ang Hall of Famer ng Coron sa Cleanest Lake Award, ang Kayangan Lake. Sa Barracuda Lake naman, tatapusin ni Drew ang kaniyang island tour sa pamamagitan ng isang nakalululang cliff dive!
Sama na sa Biyahe ni Drew, sa Biyernes, 10 PM sa GMA News TV.