Paninita ng gobyerno sa mga tambay, tatalakayin sa ‘Bawal ang Pasaway’
TAMBAY
MONDAY, 2 JULY 2018
10:15 PM, GMA NEWS TV
“I will make sure that the QCPD will give him justice.” Ito ang mariing pahayag ni Police Chief Superintendent Jose Teodoro Esquivel, District Director ng Quezon City Police District sa panayam sa kaniya ni Mareng Winnie.

On-going na raw ang imbestigasyon sa pagkamatay ng binatang si Genesis Argoncillo. Isa si Genesis sa mga naunang nahuli noong July 15, 2018 mula sa pag-iigting ng Oplan Anti-Tambay drive ng administrasyong Duterte. Mariing itinanggi ni Esquivel kay Mareng Winnie na mayroong Operation Tambay ang kapulisan. Bagkus, ipinatutupad lang daw nila ang mga ordinansa na mayroon ang siyudad. Ito ang mga ordinansa tungkol sa mga makikitang walang damit pang-itaas sa publiko, at patungkol sa mga minor de edad na nakakalat sa lansangan.

Pero ayon kay Atty. Roberto Cadiz, commissioner ng Commission on Human Rights, iba ang kuwento ng kapatid ni Genesis na si Marilou. Sa sinumpaang salaysay ni Marilou, bibili lamang ng cellphone load si Genesis sa isang tindahan na malapit sa kanilang bahay. Habang hinihintay ang load, naupo raw si Genesis sa nasabing tindahan katabi ang isang Roche Bayog. Sinita raw ng limang pulis ang dalawang kabataan kung bakit walang damit pang-itaas. Inutusan umano ng mga pulis si Genesis at Roche na damputin ang bote ng alak na naroon, at saka sila kinunan ng litrato. Mula nang mahuli si Genesis, araw-araw na pumunta si Marilou sa presinto para magdala ng pagkain ng kapatid.
Apat na araw matapos arestuhin si Genesis, iniulat na namatay siya sa kulungan dahil hindi makahinga. Pero matapos ang unang pahayag ng Navotas District Hospital tungkol sa cause of death ni Genesis, sinabi ni QCPD na multiple blunt force trauma sa leeg, ulo at itaas na bahagi ng katawan ang naging sanhi ng pagkamatay ng binata. Mariing pinabulaanan ni Esquivel na may cover-up na nangyari dahil on-going daw ang imbestigasyon kung saan mayroong isinasagawa ang NAPOLCOM at ang kanilang pamunuan. Siyam na rin na pulis ang na-relieve mula sa kanilang posisyon para masiguradong matutukan ang kaso.
Sino nga ba ang dapat managot sa pagkamatay ni Argoncillo? Mayroon nga bang nilabag na karapatang pantao sa kanyang kaso? Samahan si Mareng Winnie na busisiin ang mga isyu sa Lunes, ika-2 ng Hulyo sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie" sa GMA News TV.