Pagpapatupad ng K to 12, tatalakayin sa ‘Bawal ang Pasaway’
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE: K-12 PROGRAM, PASADO O BAGSAK?
MONDAY, 26 MARCH 2018
10:15 PM ON GMA NEWS TV
Matatapos na ang unang taon ng full implementation ng K-12 program. Kumusta kaya ang pagpapatupad nito? Saan nagtagumpay ang DepEd at saan naman nagkulang? Higit sa lahat, ang mga magtatapos na Senior High School Students, lalo na ang mga kumuha ng Technical Vocational Track, matagumpay na nga kayang makahahanap ng trabaho?

Sa panayam ni Mareng Winnie kay Department of Education Secretary Leonor Briones, inamin ng kalihim na "may success at may kulang," sa implementasyon ng programa. Ayon naman kay Prof. David Michael San Juan ng Unified Petitioners Against K-12, marami umanong problema sa implementasyon ang K-12. Hindi pa raw handa ang gobyerno para ipatupad ito. Aniya, sana raw isinaayos na lang muna ang K-10. Mas dapat daw inuna ng DepEd ang matagal nang problema sa edukasyon tulad ng kakulangan sa silid-aralan, mga libro at sapat na guro.

Depensa ni Sec. Briones, unti-unti na nilang natutugunan ang mga problemang ito. Aniya, matagal nang dapat maipatupad ang K to 12 at kung hindi raw ito ipatutupad ngayon, kailan pa ito gagawin? Dapat din umanong bigyan ng pagkakataon ang programa at hindi sapat ang unang dalawang taon para ito’y husgahan ng patas. Ayon din sa DepEd, malaking tulong ang K-12 sa mga estudyanteng walang kakayanang magkolehiyo. Sa pamamagitan ng senior high school Technical Vocation track, maaari nang makapagtrabaho agad ang senior high graduates.
Pasado o bagsak nga ba ang first year implementation ng K-12? Pag-aralan natin yan ngayong Lunes sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.