Filtered by: Newstv
NewsTV

Mga tungkulin ng OWWA sa mga OFW, tatalakayin sa ‘Bawal ang Pasaway’


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE:
OWWA, NAKATUTULONG NGA BA SA OFWs?
LUNES, 26 FEBRUARY 2018
10:15 PM, GMA NEWS TV

Bangkay sa loob ng freezer. Ganito natagpuan ang Overseas Filipino Worker na si Joanna Demafelis sa isang abandonadong apartment sa Kuwait. Ang pinakahuling kaso ng pagmamaltrato sa mga Pilipino sa abroad, ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t kamakailan lang ay nagdeklara siya ng deployment ban para sa lahat ng OFW na papuntang Kuwait. Nagsimula na rin ang boluntaryong pagpapauwi sa libo-libong Pilipinong nagtatrabaho sa Kuwait.

Para malaman ang totoong lagay ng mga OFW sa Kuwait at iba pang bansa, kinapanayam ni Mareng Winnie sina Executive Director Hans Cacdac at Deputy Administrator for Media Affairs Arnel Ignacio ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Bunsod ng nangyari kay Demafelis na noong Mayo 2016 pa hindi matunton ng kanyang mga kamag-anak, nais ngayon palawigin ng OWWA ang kanilang database o monitoring ng mga OFW. Ani Ignacio, "Napupunan ko ang puwang sa pag-connect sa kanila." Nais umano ni Ignacio na pasimplehin ang proseso ng pagdulog ng reklamo ng isang OFW. Isa na rito ang paggamit ng Facebook Messenger imbes na email. Dagdag pa ni Ignacio, mabuting paraan ito para malaman ng mga OFW ang mga puwedeng itulong sa kanila ng OWWA. "We have to tell people what we are doing or otherwise they will think that we are not doing anything."

Sa kasalukuyan, 50 bagong kaso ng pang-aabuso araw-araw ang natatanggap mismo ni Cacdac. Lahat naman daw ito, inaaksyunan nila agad. Personal pa umano niyang tinatawagan ang mga nagrereklamo. Sa kaso naman ng mga repatriated, mayroong transient home ang OWWA habang naghihintay sila ng tulong para makauwi sa kani-kanilang probinsya. "Coming home is not the end of the story," ani Cacdac. Nagbibigay rin ang OWWA ng assistance para sa mga umuwing OFW.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, bakit hindi pa rin humihinto ang mga pang-aabuso sa mga Pinoy na OFW sa ibang bansa? Sapat ba ang ginagawang aksyon ng OWWA?

Alamin ang buong panayam ni Mareng Winnie sa OWWA Administrators Hans Cacdac at Arnel Ignacio sa Lunes, 10:15pm GMA News TV sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie pagkatapos ng State of the Nation Address with Jessica Soho.

Tags: plug, owwa, ofw