Depresyon, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
MONDAY, 23 OCTOBER 2017
10: 15 PM, GMA NEWS TV
“Natanong ko ang sarili ko, bakit pa ako nabubuhay?” Ito ang tumatakbo sa isip ni Ms. International 2016 Kylie Verzosa nang makaranas siya ng depresyon apat na taon na ang nakalilipas.
Kuwento ni Kylie kay Mareng Winnie, hindi raw sumagi sa isip niya ni minsan na mararanasan niya ang depression. Dalawampung taong gulang noon si Kylie, katatapos lang ng kolehiyo nang magtrabaho raw siya bilang modelo. Sa panahong ito raw niya naramdaman na mag isa lang siya, na wala siyang halaga sa kanyang mga katrabaho, kaibigan at kapamilya. Para raw may kadilimang bumabalot sa kanya. Hindi raw siya nakatutulog. Hindi siya kumakain at ayaw niyang makisalamuha sa iba.
Sa datos na inilabas ng World Health Organization o WHO ngayong taon, tinatayang mahigi tatlong milyong Pilipino ang nakararanas ng mental disorder na depression.
Sa HOPELINE, ang mental crisis arm ng Department of Health, umaabot sa 605 na tawag ang kanilang natanggap noong 2016. Ang mga tawag na ito ay mula sa mga nakararanas ng depression at ang iba naman ay mula sa mga gusto nang magpakamatay. Mula edad 15-29 ang madalas na mga tumatawag.
Tumataas nga ba ang bilang ng mga kabataan o millenials na nakararanas ng depression? May kinalaman ba rito ang social media?
Pag-usapan natin ang depresyon sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie kasama si Ms. International 2016 Kylie Verzosa, Jeannie Lim Goulbourn ang nagtatag ng Natasha Goulbourn Foundation at si Dr. Corazon Angela Cuadro, isang psychiatrist.