Police Chief Inspector Jovie Espenido, makakapanayam sa 'Bawal ang Pasaway'
BAP: POLICE CHIEF INSPECTOR JOVIE ESPENIDO
LUNES, SEPTEMBER 4, 2017, 10:15 PM, GMA NEWS TV
Si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa napatay sa loob ng kulungan. Si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog napatay sa shootout. Pareho silang idinadawit sa droga. Parehong insidente nasa ilalim ng panunungkulan ni Chief Inspector Jovie Espenido.
Sa panayam ni Mareng Winnie kay Espenido, inilahad niya na hindi nila kagustuhan na mamatay ang alkalde ng Ozamiz City. Wala umanong may gusto na mayroong mamatay sa kanilang mga operasyon. Bukod sa naturang raid, mayroon din sila umanong nakuhang mga armas sa bahay ng mga Parojinog. Karamihan dito, hindi rehistrado.
Kamakailan, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na itatalaga niya si Espenido sa Iloilo – ang di umano’y “most shabulized” city ayon sa pangulo. Si Espenido nga ba ang susi ng pangulo laban sa mga “narcopolitician?” Ani Espenido, hindi dapat mangamba si Mayor Mabilog kung hindi siya sangkot sa kalakaran ng droga sa Iloilo City. Gagampanan lang umano ni Espenido ang kanyang trabaho.
Subalit nitong Sabado, ibinalita ni Superintendent Gilbert Gorero, PRO-6 spokesperson, na hindi na matutuloy sa Iloilo si Espenido dahil hindi ito kwalipikado. Ayon kay Gorero, kailangan na may rango na senior superintendent ang sinomang itatalaga na city or provincial police director.
Mananatiling chief of police ng Ozamiz City si Espenido.
Abangan ang kabuuan ng panayam ni Mareng Winnie kay Chief Inspector Jovie Espenido ukol sa operasyon ginawa sa bahay ng Parojinog. Bakit nga ba walang CCTV noong panahong iyon? Ano-ano ang mga susunod na hakbang na gagawin niya sa pagsugpo ng droga? Tutukan yan sa Lunes sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.