Martin Andanar, sasalang sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'
MARTIN ANDANAR, HAHARAP SA BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
LUNES, 28 AUGUST 2017, 10:15 PM SA GMA NEWS TV
Sunod-sunod ang pagkakamali ng mga ahensiya sa ilalim ni Presidential Communications Operations Office Chief Martin Andanar.
Umani ng batikos ang paggamit ng Philippine News Agency ng maling logo ng Department of Labor and Employment pati maling mapa ng Ilocos Norte. Naging matunog din sa social media kamakailan ang panawagang pababain sa puwesto si Asec. Mocha Uson. Depensa ni Andanar, tinututukan nila ang mga problemang ito at pagiigihin pa raw niya ang paghawak sa PNA. Pero nang tanungin siya ni Mareng Winnie kung naging matagumpay siya sa isang taong pagiging PCOO chief, sagot ni Andanar, "I think so."
Isa pang naging usapin ang pag-amin ni Andanar na pinag-isipan niyang mabuti ang pagtatalagang noon kay Mocha Uson bilang Assistant Secretary for Social Media. Pero sa huli, iginiit ni Andanar na nararapat para sa posisyon si Uson. Isa raw sa pinakamahalagang maiaambag nito ay ang "impact niya sa masa."
Hinarap din ni Andanar ang mga tanong ukol sa pagbibigay ng accreditation sa ilang blogger para sa ASEAN conference. Paglilinaw ni Andanar, noong ASEAN conference lamang nangyari ito. Sa pang-araw-araw na coverage ng mga gawain ng Pangulo, wala pa umanong naghain ng application sa Malacañang para maging accredited blogger. Isa sa mga dahilan ang mga krisitismong maaring ibato sa kanyang opisina sakaling ito’y matuloy. Sa ngayon, nasa proseso pa raw sila ng pagsasaayos ng polisiyang ito.
Ang dating mamamahayag na si Andanar, epektibo nga ba bilang PCOO Chief? Panoorin ang buong panayam sa Lunes, 10:15PM sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie matapos ang State of the Nation Address with Jessica Soho.