Epekto ng tax reform sa publiko, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE: TAX REFORM PART 2
LUNES, AUGUST 7, 2017, 10:15 PM ON GMA NEWS TV
Anti-poor o pro poor nga ba ang House Bill No. 5636 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN). Ito na nga ba ang solusyon para makaluwag sa buhay si Juan o dahil dito, mas maguusad pagong ba ang buhay?
Sa botong 249 affirmative, 9 negative at 1 abstention, naipasa sa final version ng House of Representatives ang House Bill No. 5636 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) nito lamang ika-31 ng Mayo. Ngayon, nasa Senado na ang bola kung ano sa mga probisyon ang mananatili at tatanggalin. Alinsunod ito sa ipinangako ni Presidente Rodrigo Duterte na alisin ang buwis ng mga nasa mahirap na sektor.
Ngunit gaano nga ba kaapektado si Juan sa repormang ito? Upang himayin ang panukala, nakapanayam ni Mareng Winnie si Department of Finance Undersecretary Karl Chua at Alliance of Concerned Teachers (ACT) Representative Antonio Tinio.
Pro-poor ang tax reform na ito ayon sa Department of Finance. Ayon kay Chua, malaki ang maitutulong nito lalo na sa mga mahihirap na bumubuo sa kalahati ng populasyon. Makatutulong umano ito sa alokasyon sa pagsasaayos ng mga serbisyong pampubliko para sa kalusugan, edukasyon, pabahay, at trabaho. “Give us the opportunity; we are trying to help” ani Usec. Chua.
“Ang buwis na ito ay pipigain ang mga mahihirap,” pagkontra naman ni Rep. Tinio. Pinuna rin ni Mareng Winnie ang tungkol sa “cash transfer program” kung saan bibigyan ng ayudang pinansiyal ang mga mahihirap sa unang taon lamang ng pagpapatupad ng tax reform. Pero paano na maitatawid ng mga mahihirap ang pang-araw-araw na gastusin pagkatapos ng isang taon?
Sa kabila ng mga kritisismo, nanatiling positibo si Usec. Chua. Panawagan niya sa mga mamamayan, tingnang mabuti ang tax reform package para makita kung sino-sino ang matutulungan nito, unawain na hindi natatapos ang reporma sa pagkolekta ng buwis, at isipin sana na ang tax reform ay isang investment para sa susunod na henerasyon.
Abangan ang buong detalye ng diskusyong ito sa Lunes, August 7, 2017 sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, 10:15PM sa GMA News TV pagkatapos ng State of the Nation Address with Jessica Soho.