Tax reform bill, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
TAX REFORM BILL: TULONG SA MAHIHIRAP O PAHIRAP LANG?
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
LUNES, JUNE 19, 2017
10:15 PM SA GMA NEWS TV
Kung ika’y kumikita ng hindi lalagpas sa P250,000 kada taon, hindi mo na kailangang magbayad ng buwis. Iyan ang isa pinapangako ng House Bill 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na kamakailan lang ay pumasa na sa 3rd and final reading sa Kongreso.
Sa panayam ni Mareng Winnie sa isa sa mga nasa likod ng panukala na si Albay 2nd District Representative Joey Salceda, hinimay nila kung ano nga ba ang epekto ng bagong Tax Reform bill na isinusulong ng administrasyon.
Dahil sa dami ng hindi na kailangang magbayad ng buwis, P144.5 B ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno. Kaya para mapunan ang kulang, magpapataw ng karagdagang buwis sa produktong petrolyo, sa mga bagong sasakyan, value-added tax (VAT) at sugar-sweetened beverages gaya ng softdrinks.
Sakaling maisabatas ang panukala, ang presyo ng softdrinks, tataas ng sampung piso kada litro. Ang pagtaas ng presyo ng krudo, maaaring maging sanhi ng pagtaas ng pamasahe. Dahil sa mga karagdagang buwis na ito, marami ang nagtatanong kung makatutulong nga ba sa mga mahihirap ang panukala o dagdag pahirap lang?
Sagot ni Salceda, 40% ng makokolektang buwis mula sa produktong petrolyo ay direktang mapupunta sa mahihirap. Magbibigay daw ang pamahalaan ng mula P1,500 hanggang P3,600 pesos kada taon na cash transfer sa 80% ng mga Pilipino o 16 na milyong pamilya.
Makabubuti nga ba sa mga Pilipino ang bagong tax bill? Alamin ang mga detalye sa Lunes, 10:15 PM sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie."