Filtered By: Newstv
NewsTV

PNP Chief Bato dela Rosa, sasalang sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'


Siya ba’y may pusong bato?

Marami raw ang pinanggalingan ng palayaw ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa. Ang isang bersyon ay dahil sa barangay na kanyang pinagmulan; ang isa pa’y dahil sa kanyang bato-batong katawan, na ngayon ay inaamin niyang unti-unti nang lumalambot dahil wala na siyang ehersisyo mula nang maupo sa puwesto. Pero isa lang ang sinisiguro niya: sintigas ng bato ang kanyang pagtugis sa mga taong sangkot sa droga. Sa unang pagkakataon, maghaharap sina Mareng Winnie Monsod at Gen. Bato dela Rosa — sino kaya ang mas matigas?

 

Kasama ni Duterte, ipinangako ni dela Rosa na susugpuin nila ang kriminalidad at droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Isa sa kanilang ipinagmamalaki ay ang Oplan Tokhang, kung saan kumakatok sa mga bahay at humihingi ng impormasyon ang mga pulis. Sa pag-uusisa ni Mareng Winnie, itinanggi ni Bato na kanilang susuyurin ang bawat bahay. Hindi raw dapat matakot ang mamamayan na sila’y biglang maakusahang pusher kung hindi naman sila identified target. Maaasahan raw ang intelligence ng PNP dahil may impormante sila sa bawat lugar para matukoy kung sino ang mga drug pusher. Ngunit ang tanong ni Mareng Winnie, maaasahan ba ang katapatan ng mga impormante nila? Paano kung galit lang sila sa taong kanilang itinuturo?

Simula nang opisyal na maupo sina Presidente Duterte at Chief PNP Bato, higit 500,000 na ang boluntaryong sumuko sa mga lokal na pamahalaan. Ngunit nakaaalarma rin ang pagtaas ng mga extra-judicial killings na may kinalamaan umano sa droga. Ayon kay Bato, may "scientific evidence" silang nakalap na ang mga vigilante killings ay gawa ng mga miyembro ng sindikato. Natatakot umano ang mga drug pushers na "ikanta" ng mga drug users. Sa mga pagkakataon namang nakapatay umano ang pulis ng isang suspek, agad daw itong ginagawan ng imbestigasyon ng PNP. Aniya, hindi siya papayag na maging abusado ang kanyang mga tropa. "Gusto mo sakalin ko pa sa harap mo," banat ni Bato kay Mareng Winnie.

Ngayong Lunes, haharapin ni Bato sa Senado ang mga pagsisiyasat ni Sen. Leila De Lima hinggil sa mga extra judicial killings. Naging kontrobersyal ang pagtanggap ng pangulo sa imbestigasyong pasimuno ng dating Kalihim ng Hustisya. Nariyan ang patutsada ni Pres. Duterte na kasintahan daw ni De Lima ang kanyang bodyguard, na siyang kubrador din umano niya sa mga drug lord sa New Bilibid Prison. Sa kabila ng kritisismo, hindi raw patitinag ang heneral. Ano kaya ang sandata niya sa kanilang paghaharap?

Ang Bato ng Philippine National Police matitibag kaya ng matatalas na tanong ni Mareng Winnie? Abangan ang nakagugulantang na panayam kay PNP Chief Gen. Ronald "Bato" Dela Rosa ngayong Lunes, ika-22 ng Agosto sa Bawal ang Pasaway, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.