Filtered by: Newstv
NewsTV

Forever nina Mang Tani at Gloria Cruz, pag-uusapan sa 'Bawal ang Pasaway'


GMA News TV
February 1, 2016
Monday, 10:15 PM

"Bawal Ang Pasaway" Valentine's Episode: Panahon ng Pag-ibig nina Mang Tani at Gloria Cruz 

Ampalaya ka ba ngayong Valentine’s? Kahit pasaway ang iyong minamahal, baka may pag-asa pa.

Kung ang weather nga ay pabago-bago at paiba-iba, sala sa init at sala sa lamig, ito rin daw ang kuwento ng pag-ibig ni Mang Tani Cruz at ng kaniyang maybahay na si Gloria Cruz. Limang taon ang tanda ni Aling Gloria kay Mang Tani.

Nagkakilala ang dalawa sa trabaho. Intern pa lang noon si Mang Tani sa PAG-ASA habang kahera naman si Aling Glo. Magkasintahan pa lang sila, napabalita na ang pagiging chickboy raw ni Mang Tani. Para mawala ang alinlangan ni Aling Glo, nagpakasal ang dalawa sa tulong ng tiyahin ni Mang Tani.

Pero kahit noong tali na si Mang Tani kay Aling Gloria, nangangapitbahay pa rin ang puso ni Mang Tani. Ganunpaman, tiniis ito ni Aling Gloria sa paniniwalang siya naman talaga ang mahal ng kanyang mister. Madalas niyang naitatanong kay Mang Tani kung mahal ba siya nito. Ang tugon ni Mang Tani, darating din ang panahon na patutunayan ko ito.

Noong 2011 habang nasa Australia ang mag-asawa, hindi na nagising si Aling Gloria. Nagka-stroke ito habang natutulog. Pagdating sa ospital, ayon sa mga doktor, wala na raw siyang pag-asa at dapat tanggalin na ang life support. Dito nasukat ang kanilang pag-ibig sa isa't-isa. Hindi pumayag si Mang Tani at inalagaan ang kanyang asawa. Matapos ang taimtimang dasalan, nagising matapos ang 21 araw si Aling Gloria. Simula noon, lagi nang sinasabi ni Mang Tani kay Aling Gloria na mahal niya ito at lalong lumakas ang kanilang pagsasama.

Ayon kay Mang Tani, kung ang kaniyang asawa ay nabigyan ng second life, siya raw ay nabigyan ng second chance.

Kaya 'wag muna tanggalin sa inyong kalendaryo ang Valentine's Day dahil may pag-asa pa rin ang forever kahit pasaway ang inyong karelasyon o naging karelasyon.

Ang kuwento ng forever nina Mang Tani at Gloria Cruz, bibida sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie," 10:15 PM sa GMA News TV.

Tags: plug