Filtered by: Newstv
NewsTV
Bawal ang Pasaway

Senatoriables Leila de Lima at Risa Hontiveros, haharap kay Mareng Winnie 


GMA News TV
February 8, 2016
Monday, 10:15 PM

Bawal ang Pasaway: De Lima at Hontiveros

 
Noong nakaraang Lunes, ipinakilala sa atin ni Mareng Winnie ang dalawang lalaki sa senatorial slate ni Sen Grace Poe. Ngayong Linggo, dalawa naman sa kandidato ng Koalisyon ng Daang Matuwid ang ating makikilala nang lubusan.
 

Mula sa dalawampu’t apat na senador mula 2010 hanggang 2016, anim na babaeng senador lang ang nailuklok sa pwesto. Sa huling Pulse Asia survey, tatlong babae lang ang pumasok sa Top 20 senatoriables, dalawa sa kanila ay sina Risa Hontiveros at Atty. Leila de Lima. Ngayong Eleksyon 2016, may pumasok kayang babae sa Magic 12 ng Senado?


Pangatlong tangka na ito ni Philhealth Director at dating Akbayan Partylist Representative Risa Hontiveros para maluklok sa Senado. Ayon kay Hontiveros, galing siya sa middle class, at bilang biyuda sariling suweldo lang ang bumubuhay sa kanya at sa kanyang pamilya. Kung ganon, may sapat nga ba siyang pondo para mangandidato? O gaya ng sinasabi ng kanyang mga kritiko, ginagamit niya ang kaban ng mga miyembro ng  Philhealth? Maka-kaliwa man ang kanyang partido, tuta naman daw ng administrasyong Aquino si Hontiveros.

Sa limang taon ni Atty. Leila De Lima sa DOJ maraming siyang nakabangga, gaya na lang ng Iglesia ni Kristo at ang mga malalaking pangalang nasangkot sa Pork Barrel Scam. Ngayon naman, madalas niyang kabangayan si Davao Mayor Rodrigo Duterte. Inaakusahan si De Lima ng selective justice at nachismis pa ngang may sex video, mga bagay na hindi palalampasin ni Mareng Winnie. Sa tingin ba ni De Lima makakasakit sa kanya ang pagbangga sa INC na itinuturing na strong voting bloc?


Para mas makilala ang mga kandidato, uusisain rin ni Mareng Winnie ang kani-kanilang personal na buhay. Aamin kaya si Hontiveros sa mga lalaking nadadawit sa kanya? Magkano ang laman ng wallet ni De Lima? Ano ang mga papeles na matutuklasan ni Mareng Winnie sa bag ni Hontiveros? Totoo bang karelasyon ni De Lima ang kanyang bodyguard? Bakit naunsyami ang karera ni Hontiveros sa showbiz at sa GMA?

Aalamin din kung ano ang opinyon nila sa mga pambansang isyu, at bubusisiin ang kanilang mga plataporma kung palaring maupo sa Senado.

Kilalanin ang mga humihingi ng inyong boto sa pagpapatuloy ng Senatoriable Series ng Bawal ang Pasaway with Mareng Winnie, Lunes 10:15 PM sa GMA News TV.

Tags: plug