Filtered By: Newstv
NewsTV

Agawan sa West Philippine Sea, bubusisiin sa 'Bawal ang Pasaway'


Bawal ang Pasaway: Agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea
GMA NewsTV 
August 17, 2015
Lunes, 10:15 PM



Ano ba ang ipinaglalaban ng Pilipinas sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) at bakit mahalaga itong bantayan ng bawat Pilipino? Bakit nagtitiyagang magbuwis ng buhay ang mga sundalong Pinoy sa barkong nakapatong sa Second Thomas Shoal na nabubulok na roon mula pa noong 1990? Ano ang mahihita natin sa mga islang pinag-aagawan sa West Philippine Sea?

Kailan lamang ay inilapit na ng Pilipinas sa ITLOS ang hinaing ng ating gobyerno patungkol sa matagal nang agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea sa pagitan ng ating bansa at ng China. Bunsod na rin ito ng aksyon ng China na gumawa ng mga base militar sa Spratlys na ikinabahala hindi lang ng Pilipinas kung hindi pati na rin ng ating mga karatig-bansa. Sa pagpupulong sa ASEAN, nagkaisa ang mga bansang kasapi upang tuligsain ang mga naging hakbang ng China sa mga isla sa Spratlys. Gayunpaman, nanindigan ang China na kanila ang nasabing mga isla.

Pinabulaanan ni Justice Antonio Carpio ang mga sinasabi ng China. Base umano sa kanyang pag-aaral at pagsasaliksik, hindi sakop ng China ang West Philippine Sea dahil malayo ito sa kanilang Exclusive Economic Zone. Ayon pa kay Justice Carpio, kapag nawala sa atin ang West Philippine Sea, apatnapung porsyento ng pinagkukunang-yaman ng Pilipinas ang mawawala, tulad na lamang ng mga isda, enerhiya at iba pa.

Kamakailan sa Zambales ay natagpuan ang mga buoy na may mga sulat Tsino. Ayon sa mga mangignisda, tila isang boundary ito na nililimita ang pwedeng puntahan ng mga Pilipino sa kanilang traditional fishing grounds. May ilang beses na ring pinalayas na parang basang sisiw ang mga Pilipinong mangingisda ng mga coast guard ng China sa Scarborough Shoal.



Gumagalaw naman umano ang pamahalaan upang ipaglaban ang ating karapatan.Isang halimbawa na rito ang inihain nating reklamo laban sa China. Ayon pa kay Carpio, maituturing na isang malaking tagumpay para sa mga Pilipino kung sakaling mananalo tayo sa ating reklamo. Ngunit nauna na umanong sinabi ng China na kahit na manalo ang Pilipinas ay hindi nila ito susundin.

Sa nalalapit na eleksyon, nakabitin rin ang kapalaran ng mga islang pinag-aagawan sa West Philippine Sea; 'yan ay sakaling ang susunod na presidente ay hindi interesadong ituloy ang kaso sa ITLOS o bukas sa pakikipagkasundo sa China. Ngunit ayon kay Carpio, labag sa ating konstitusyon na magkaroon ng joint development ang dalawang bansa, at nangangahulugan itong inaamin ng Pilipinas na hindi sa kanya ang mga islang pinag-aagawan.

Dagdag ni Carpio, may isa pang paraan ang maaari nating gawin upang hindi tuluyang mawala sa atin ang West Philippine Sea. Ito ay sa pamamagitan ng dahas. Ngunit napakamahal ng paraang ito. Alam n’yo ba kung magkano ang aabutin kung sakaling mauwi sa giyera ang pakikipag-agawan natin sa China? Naku, malaki ang maaaring gastusin ng pamahalaan, at sa ating bulsa manggagaling ‘yan.

Para sa kabuuang panayam ni Mareng Winnie kay Justice Antonio Carpio, tumutok lang sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa Lunes, August 17, 10:15 pm, sa GMA News TV pagkatapos ng State of the Nation Address with Jessica Soho.