Filtered by: Newstv
NewsTV

Si Herbert 'Bistek' Bautista sa 'Bawal Ang Pasaway'



BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
19 AUGUST 2013 EPISODE
"BISTEK"
 
Pitumpu't apat na taon na ang Quezon City sa Lunes, ika-19 ng Agosto. Mula sa malawak at mapunong lugar noong 1939, isa na ito sa pinakamalaking lungsod sa buong bansa.
 
Ayon sa kasalukuyang alkalde na si Herbert Bautista, isa sa malaking problema ng Quezon City ay ang 236,000 na informal settlers na nag-ookupa ng pribado at pampublikong lupain, lalo na iyong malapit sa ilog. Pitong "Bistekville" o low-cost housing ang kanyang tugon sa problemang ito.
 
Sa panayam ni Prof. Solita Monsod, inamin ni Bautista na naging hilig niya ang paglalagay ng pangalan niya sa mga pampublikong lugar at sasakyan. Itinatama na raw niya ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng pangalan niya at ng mga nasa konseho. Ang kanila raw inuuna ay ang barangay markers na nasa tourist area ng lungsod. 
Nagsisimula rin daw sila ng reporma sa pananalapi ng Quezon City. Noong 2010 kasi, pinuna ng Commission on Audit ang paggamit ng pork barrel ng mga konsehal, na umaabot ng mahigit P40 million kada taon.  Ayon sa COA, ang trabaho ng konseho ay magpanday ng batas at hindi magpatupad ng mga proyekto. Bagaman hindi pa nilalansag ang pork barrel ng mga nasa konseho, ang patakaran ngayon ay dapat lamang magamit ang pondo sa mga programang nakahanay sa development plan ng lungsod. Aminado rin si Mayor Bautista na may bahagi ng pork barrel na napupunta sa katiwalian.
 
Alamin ang estado ng Quezon City kasama si Prof. Monsod sa Bawal ang Pasaway Kay Mareng Winnie sa Lunes, ika-10 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.
Tags: plug