Filtered by: Newstv
NewsTV

Bawal ang epal sa Bawal ang Pasaway


BAWAL ANG EPAL SA BAWAL ANG PASAWAY BAWAL ANG PASAWAY Airing date: February 18, 2013 Papa-init na ang kampanya. Uso na naman ang papogi ng mga kandidato. Nag-iikot sa mga istasyon ng telebisyon at radyo, humahalik sa mga paslit, yumayakap sa mga nakatatanda, nag-eere ng political ads, nagpapapansin para ma-isama sa balita, at higit sa lahat, nagpapaskil ng posters para matandaan ng publiko ang pangalan at mukha.
 
Ang iligal pagkakabit ng posters ang sentro ng protesta ng madla ngayon. Ito kasi ang agad na nakikita sa ating mga kalye at para sa marami pero masakit ito sa mata.
 
Sa Twitter account ng Commission on Elections at maging ng tagapagsalita nitong si James Jimenez, maya't maya ay may sumbong ang mga tao ukol sa mga "naliligaw" na posters at campaign materials. Bukod dito, maging ang Twitter account ng GMA Network na @DapatTama ay nakatatanggap din ng mga reklamo laban sa mga poster sa maling lugar. 
 
Ayon kay Jimenez, ang mga sumbong na ito ay kanilang inaaksyunan at binabalaan nila ang mga ikinakampanya sa posters. Sa loob ng tatlong araw, dapat ay maalis ang mga ito. Ang hindi susunod sa utos na ito ay mahaharap sa diskwalipikasyon, manalo man o matalo sa darating na halalan. 
 
Nagbabala rin ang COMELEC laban sa mga kompanya ng bus na may nakapaskil na campaign materials o patalastas na nagtataglay ng mukha ng mga kandidato. Ayon kay Jimenez, maaring i-impound ng COMELEC ang bus na hindi susunod sa utos na ito. 
 
Nag-ikot din sa Quezon City si Prof. Solita Monsod kasama ang anti-epal advocate na si Mae Paner a.k.a Juana Change. Napuna nila ang iba't ibang uri ng paraan ng pagpapapogi ng mga politiko na kuwestiyonable na.
 
Ayon kay Jimenez, ito ang eleksion na nakita niya ang aktibong partisipasyon ng mga mamamayan laban sa lihis sa patakaran na pangangampanya.
 
Alamin ang mga isyu at makialam para sa mas maayos na halalan. Manood ng Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa Lunes, ika-18 ng Pebrero, 10 ng gabi sa GMA News TV channel 11.