The Top 10 Ang Pinaka Sikat na Baby Care Pamahiin
Mahilig daw ang mga Pinoy na maniwala sa iba’t ibang klase ng pamahiin, at tila may kaakibat na pamahiin ang halos lahat ng okasyon sa buhay ng mga Pilipino. Nitong Linggo sa “Ang Pinaka,” inalam ng programa ang mga pinakasikat na pamahiin pagdating sa pag-aalaga ng sanggol.
May mga gawaing nakasanayan nang gawin para raw sa kalusugan ng bagong panganak, o para siguraduhing may ilang katangiang makuha si baby. Ano nga ba ang pinagmulan ng mga pamahiing ito, at may kabuluhan pa bang ipagpatuloy ito sa panahon ngayon?
Upang maipaliwanag ang mga pamahiin, inimbita ng “Ang Pinaka” ang mga panelista na sina UP Professor of Literature and Pop Culture Jimmuel Naval, mommy blogger ng OCMominManila.com Kris de Guzman, and blogger at painterswife.com Eliza Ypon.
10. Sa araw lang dapat ginugupitan ng kuko ang bata
Malas ba ang paggupit ng kuko ng bata sa gabi? Ano ba ang magandang naidudulot kapag ginawa mo ito sa umaga?
Ayon kay Kris de Guzman, marahil isa lamang pag-iingat ang pamahiin na ito: “Kailangan sa maliwanag ka maggupit ng kuko kasi ‘yung baby medyo soft pa yung nails niyan. Magdudugo agad iyan. Hindi siya pamahiin, it’s a practical tip.”
9. Sa umaga lang dapat paliguan ang bata
Naniniwala ang mga nakatatanda na maaaring magkasakit ang bata kapag pinaliguan mo ito sa gabi. Pero totoo bang nangyayari ito? Ayon sa ating mommy panelistas:
“Hindi ako naniniwala roon kasi experience ko with my own baby, mas gumiginhawa pa nga siya kapag pinaliliguan ko siya sa gabi,” sabi ni Eliza Ypon.
“Twice a day ko pinaliliguan babies ko kasi ang init ng Pilipinas, ‘di ba? The more na mabigyan sila ng comfort, the better for them,” sabi ni Kris de Guzman.
8. Ipitin ang unang gupit ng buhok ng bata sa dictionary o libro para tumalino
Ayon kay Prof. Jimmuel Naval, hango ang pamahiing ito mula sa paniniwalang kakapal ang buhok ng bata kapag inipit mo ito sa makapal na libro. Paliwanag niya tungkol sa paniniwalang may koneksyon ang pag-ipit sa dictionary o libro at ang pagiging matalino ng bata, “[Naniniwalang] dictionary kasi maraming bokabularyo. Ibig sabihin later, maraming bokabularyo siyang malalaman.”
Payo naman ni Eliza Ypon, “Hindi nakukuha sa pag-iipit ng buhok sa libro ang talino. Basahin mo ‘yung libro [sa anak mo].”
7. Kalbuhin ang bata para gumanda ang buhok
Saan ba nagmula ang paniniwalang gaganda ang tubo ng buhok ng bata kung kakalbuhin mo muna ito?
Ayon kay Prof. Jimmuel Naval, “May relasyon iyan sa pagiging agricultural natin. May mga halaman tayo na kapag kinakapon mo, kapag pinuputol mo, mabilis tumubo ito, at sa gayon, nagbibigay sa atin ng masaganang ani. So idinidikit natin sa tao ang paniniwalang ito.”
6. Iwasan ang breastfeeding kapag pagod
Totoo bang mapapasa ni mommy ang kanyang stress kay baby kapag nag-breastfeed siya nang pagod? Ano ang masasabi ng mommy panelistas natin dito?
“Hindi toto iyan,” sabi ni Kris de Guzman. “Marami ang hindi completely aware of the benefits of breastfeeding. For those who are aware, alam nilang breastfeeding is the best kahit may sakit ka, kahit stressed ka.”
Para naman kay Eliza Ypon, “As a matter of fact, nakaka-relax nga ‘yung breastfeeding kasi it releases hormones sa mommy. That’s a scientific fact.”
5. Gumamit ng bigkis para hindi lumaki ang tiyan ng bata
Ang bigkis ay isang telang puti na ibinabalot sa tiyan ng bata. Ayon kay Prof. Jimmuel Naval, nagsimula ang pamahiing ito dahil sa paggamit ng mga manghihilot ng telang ito sa panganganak. “Nakausli ang mga pusod ng bata kasi kalimitan ng mga tao noon, sa bahay ipinapanganak ng mga manghihilot. At ang mga manghihilot, kutsilyo o gunting na pinakuluan lang ang pinapamputol sa pusod kaya hindi nasasagad ang putol, may natitirang kapiraso ng pusod na binabalutan ng bigkis para lumubog.”
Pero ngayong may mga ospital at clinic na para sa panganganak, dapat pa bang ipagpatuloy ang paniniwalang ito?
Payo ng mommy panelista na si Eliza Ypon, “Mas magandang i-expose ang tiyan ng bata. [Kapag tinalian ng bigkis,] ire-restrain mo ‘yung breathing ng baby. That’s very uncomfortable.”
4. Himasin ang ilong ng bata para tumangos
Resulta ba ng colonial mentality ang paniniwalang tatangos ang ilong ng bata kapag hinimas ito?
Ayon kay Prof. Jimmuel Naval, nagmula ang paniniwalang ito sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. “Noong ipinakilala sa atin ang Christianity, Caucasian ‘yung mga santo at santa. Mapuputi at matatangos ang ilong. Gusto nating pamarisan o maging kawangis ang imahe ng mga santo at santa na ito.”
Dahil usapin na ng genetics ang pagkakaroon ng matangos na ilong, payo ni mommy panelista na si Eliza Ypon, “Ilong natin iyan kaya dapat tanggapin.”
3. Lagyan ng sinulid ang noo ng bata kapag sinisinok
Bakit kaya sinulid ang ginagamit ng mga nakatatanda kapag gustong patigilin ang sinok ng bata?
Paliwanag ni Prof. Jimmuel Naval, “[Sinulid] lang ang available during that time para ma-distract at mag-concentrate ang bata. Para malimutan niya ang sinok. [Ang sinulid] kasi, magaan kaya kapag bumagsak sa bibig, safe naman at walang problema.”
Dagdag pa niya, “Minsan psychological ang sinok. [Ginagamit ang sinulid] para ma-divert ang attention ng bata.”
2. Mahahamugan ang bata kapag inilabas sa gabi
Payo ng mga lola natin na huwag ilabas ang mga bata tuwing gabi dahil magkakasakit sila dahil sa hamog.
“Kasama pa ‘yung laging dapat balot na balot [ang bata.] Kapag lumalabas, naka-bonette, gloves at body suit kahit na nasa Pilipinas tayo na 30 [degrees] ang temperature,” kuwento ni Kris de Guzman.
Para sa ating mommy panelistas, hindi biglaang nagkakasakit ang mga bata dahil sa hamog lamang. Mapa-mainit ang panahon o malamig, magkakasakit nang magkakasakit din ang bata dahil hindi maiiwasan ang iba’t ibang virus.
“Magkakasakit sa ulan, magkakasakit sa malamig magakasakit sa mainit. Sa lahat na lang magkakasakit tayo ‘di ba? Kung lahat iyon paniniwalaan mo, baka hindi na tayo lumabas ng bahay,” payo ni Eliza Ypon.
1. Huwag batiin ang bata dahil baka mausog
Sinasabing na-usog ang isang bata kapag nagkasakit ito matapos mabati ng isang bisita o ‘di kilalang tao. Naniniwala pa ang mga nakatatanda na dapat mong sabihin ang “Puwera usog!” at pahiran ng laway ang bata para maiwasan ang pagkakasakit.
Saan kaya nagmula ang paniniwalang ito?
“Ang usog, dala rin iyan ng mga Spanish,” ani Prof. Jimmuel Naval. “Tinatawag nila itong ‘mal de ojo’ (evil eye hex) o masamang tingin, kung saan kapag tinignan mo nang masama ang isang tao, parang sumasakit ‘yung isang bahagi ng katawan nila.”
---Ang Pinaka Staff/CM, GMA News