Pinsker's hawk-eagle na-rescue sa Sultan Kudarat
Isang batang Pinsker's hawk-eagle na kapamilya ng Philippine eagle ang na-rescue sa bulubundukin at malayong barangay sa bayan ng Sen. Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.
Ang alkalde ng bayan na si Randy Ecija Jr. kasama ang mga taga-Department of Environment and Natural Resources, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, bird guides/watchers at ilang mga barangay kapitan ang umakyat sa Sitio Siokong, Barangay Kuden para i-rescue ang nasabing agila.
Ayon sa alkalde, nakatanggap siya ng impormasyon at isang litrato mula sa ilang concerned citizens na meron umano'y Philippine eagle na nahuli sa kanilang bayan at ang umano'y nangangalaga nito ay may balak daw ibenta ang agila.
Dahil dito, nakipag-ugnayan siya sa ilang mga concerned agencies at awtoridad para agad na ma-rescue ang nasabing ibon.
Ang Pinsker's hawk-eagle ay mayroon na lang umanong halos 1,000 sa kagubatan at nanganganib na ring maubos.
Dagdag ng alkalde, meron nang ordinansa ang bayan na mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang bayan ang panghuhuli, pag-aalaga o pagtatago ng mga ibong tulad nito, baboy-damo, unggoy at iba pang itinuturing na endangered animals.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan ng Sen. Ninoy Aquino ang naturang ibon at anumang araw mula ngayon ay nakatakda na itong dalhin sa Davao City para i-turn over sa Philippine Eagle Foundation sa Davao City. —BAP/KG, GMA News