Filtered By: Topstories
News
KILALANIN

Ang mga sumulat ng naunang Tagalog version ng 'Pasyon'


Pinaniniwalaang nagsimula pa noong 16th century ang "Pabasa" o "Pasyon" na naririnig  tuwing Semana Santa dahil na rin sa impluwensiya ng mga mananakop na Kastila.

Ang sinasabing kauna-unahang Tagalog version ng pasyon ay ginawa ng isang Batangeño, at sinundan naman ng isang paring  Bulakeño.


Dahil karaniwang nasa Latin ang misa noon ng mga paring Kastila, narinig umano ng mga Pilipino ang kuwento ng buhay ni Hesukristo sa wikang Tagalog nang magawa ang unang Pasyon sa Tagalog na isinulat ni Gaspar Aquino de Belen noong 1704.

Si De Belen ay isang Batangeno, manunula, at naging tagasalin o translator ng mga paring Heswita.

Ang pasyon na isinulat ni De Belen ay may titulong, “Mahal na Passion ni Jesu Christong Panginoon Natin na Tola."

Taong 1814 naman nang gawin ng Bulakeñong pari na si Mariano Pilapil ang kaniyang bersiyon ng Pasyon na, “Pasyong Mahal ng Panginoong Hesukristo,” na kilala rin sa tawag na “Pasyong Pilapil.”

Pinaniniwalaan na ang pasyon o pabasa ay sadyang nagsimula sa Pilipinas. Pero hindi naman umano ito kabilang sa liturgy o bilin ng simbahan na dapat gawin tuwing Semana Santa.

Sa isang panayam noon ng GMA News, sinabi ni Fr. Francis Lucas, executive director ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communication and Mass Media, na ang pag-usbong ng pasyon ay likha na rin ng sadyang pagiging mahilig sa awitin ng mga Pilipino noon pa man.

Ngunit sa paglipas ng panahon at pag-usbong ng modernisasyon, tila unti-unti nang nakakalimutan ang tatak Pinoy na tradisyong ito. -- FRJ, GMA News