Filtered By: Topstories
News
Push-up ang parusa

Mga naglalasing sa kalye at nakahubad, pinagdadampot sa Las Piñas


Mahigit 30 lalaki na umiinon umano sa kalsada at nakahubad sa Las Piñas ang dinakip ng mga awtoridad at dinala sa presinto para pagsabihan at parusahan ng "push-up."

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabi ng acting chief ng Las Piñas police na ang pagdakip sa mga lalaki sa barangay CAA ay bahagi ng pagpapatupad ng ordinansa para sa kaayusan na tinawag na Oplan RODY, o Rid the Streets of Drinkers and Youths.

Ang mga dinala sa himpilan ng pulisya, pinag-push up ng 40 beses. Pinauwi ang mga nakasunod sa parusa habang pinaiwan naman sa presinto ang hindi nakasunod.

Kasabay nito, nakatikim din ng sermon mula sa acting chief of police ng Las Piñas na si P/S Supt. Jemar Modequillo, ang mga menor de edad at kanilang mga magulang dahil naman sa paglabag ng mga bata sa curfew hours  na mula 10:00 pm hanggang 4:00 a.m.

Bagamat nakauwi rin agad ang mga hinuling menor de edad, nagbabala si Mondequillo sa mga magulang na sila ang mananagot kapag muling nahuli ang kanilang anak.

"Actually hindi na ito bago sa mga kababayan natin dahil itong resolusyon na ito ay matagal na," anang opisyal. -- FRJ, GMA News