Filtered By: Topstories
News
Bandila ng Pilipinas, nakabaliktad

2 barkong pangisda ng mga Tsino na may baliktad na PHL flag, sinita sa Batanes


Dalawampu't limang tripulanteng Tsino ang inaresto ng mga awtoridad matapos silang mamataan sa karagatang sakop ng Pilipinas. Ang sinasakyan nilang barko, may nakakabit na bandila ng Pilipinas na nakabaliktad.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG), namataan ang dalawang barko na Shen Lian Cheng 719 at Shen Lian Cheng 720 sa karagatang sakop ng Batanes nitong Lunes.

Hinala ng mga awtoridad, inilagay ng mga Tsino ang watawat ng Pilipinas sa kanilang mga barko para linlangin ang mga makakakita sa kanila.

Nang makumpirma na dayuhan ang sakay ng mga barko, dinala ang mga ito sa Basco, Batanes para maimbestigahan.

Hinihinala nila na sangkot ang mga ito sa iligal na pangingisda sa teritoryo ng Pilipinas.

“Based on existing rules, the fact that both foreign fishing vessels were flying Philippine flag gave rise to the presumption that they are engaged in poaching, as there seems to be an attempt to conceal the vessels’ true identity to enable themselves to engage in fishing activity in Philippine waters,”  ayon kay Usec.  Asis Perez ng Department of Agriculture.

Ipinaalam na umano ng BFAR sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakahuli sa mga mangingisdang Tsino.

Inaasahan naman na ipaaalam ng DFA sa Chinese embassy sa Manila ang pagkakahuli sa kanilang mga kababayan.

Sa panayam ng GMA News "Balitanghali," sinabi ni Perez na kakasuhan ang mga dayuhan kapag napatunayang nangingisda sila sa teritoryo ng Pilipinas.

Patuloy pa umano ang imbestigasyon sa mga dayuhan.

"Wala pa po silang interpreter, ganun po kasi ang rules. Kailangan po meron pong tamang pag-uusap, kasi po baka ma-misinterpret po yung ating mga aksyon. Pangalawa po, para mapangalagaan din po natin yung kanilang karapatan," ani Perez. -- FRJ, GMA News