Unang Pinoy satellite ‘Diwata-1’ pinalipad ng NASA sa kalawakan
Gumawa ng kasaysayan ang Pilipinas nitong Miyerkules ng umaga matapos na matagumpay na inilunsad ng NASA ang kauna-unahang gawa ng Pinoy na microsatellite na tinatawag na Diwata-1.
Kabilang ang 50-kilo na imaging satellite ng Pinoy sa bagaheng dala ng spacecraft ng Orbital ATK Cygnus, isang pribadong space transport company.
Nag-blast off ang space craft sa Cape Canaveral, Floridam USA dakong 11 a.m. (oras ng Maynila).
Mananatili ang Diwata 1 sa International Space Station hanggang sa katapusan ng Abril.
Pagkatapos nito, pakakawalan ito sa kalawakan sa layong 400 kilometro sa ibabaw ng mundo.
Kapag nag-o-orbit na sa mundo, inaasahang imo-monitor ng Diwata 1 ang weather pattern ng Pilipinas, kalagayan ng mga pananim, at iba pang mga impormasyong kinakailangan ng bansa.
Tinagurian naman ni Philippine Ambassador to Washington Jose Cuisia Jr. ang Diwata 1 launch na "proud and historic milestone" para sa sektor ng science and technology sa bansa.
“The launch of Diwata-1 is not only a giant leap for Philippine science and technology. It could also provide Philippine policy makers with the scientific data and information needed to formulate policies relating to disaster mitigation, agricultural productivity and management of land and water resources,” ayon ka Cuisia. —LBG, GMA News