ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNR bridge sa CamSur, bumagsak


Bumagsak ang tulay ng Philippine National Railways sa Camarines Sur noong Sabado at mabuti na lamang umano walang dumadaan na PNR train nang mangyari and insidente.

Ayon sa mga nakasaksi, bumagsak ang tulay sa Barangay Apad sa bayan ng Ragay Sabado ng madaling-araw.

Makikita sa mga larawan na malaki ang uka ng lupa mismo sa pundasyon ng tulay.

 


 

 


Napilipit ang daang-bakal, nawasak ang mga barandilya at ang supporting beam nito.

Matagal na raw na ininspeksyon ng mga tauhan ng PNR ang tulay at mga riles nito matapos mapansing  unti-unting gumuguho ang pundasyon ng istruktura, at tuwing bumabaha ay nauuka ang lupa sa ilalim.

Pahirapan ang pagpunta ng mga taga-Barangay Cale sa Ragay dahil ang tulay lamang ang nagsilbing daanan nila.

Naglagay ng hagdang kawayan ang mga residente sa Cale upang makatawid papunta sa banyan.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng management ng PNR pero walang sumasagot sa linya ng telepono sa tanggapan nito hanggang nitong araw ng Linggo.

Nananatiling nakabantay ang mga tanod-barangay upang maiwasan ang sakuna, gaya ng aksidenteng pagkahulog ng mga dumadaan sa tulay.

Samantala, isang tulay pa umano ng PNR ang mino-monitor ng management sa bayan ng Del Gallego dahil nanganganib na rin daw itong gumuho.

Nauuka rin umano ang gitnang pundasyon ng tulay sa tuwing bumabaha, ayon sa mga lokal na opisyal.

Ayon sa kanila, binabalak umano ng PNR ang rehabilitasyon ng tulay. — Peewee Bacuño/LBG, GMA News