Filtered by: Topstories
News

Mga banyaga, bawal magpapapako sa krus sa Cutud, Pampanga ngayong taon


Ilang araw bago ang tradisyunal na pagpapapako sa krus ng ilang deboto sa San Fernando, Pampanga, ilang deboto na ang sinimulang magpadugo ng kanilang likuran gamit ang paghampas ng burilyo.

TRIVIA: Unang dayuhan na ipinako sa krus sa Pampanga

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing nilinis na rin ang lugar na pagdarausan ng pagpapako sa krus ng mga namamanata.

Nakahanda na rin ang mga pakong gagamitin sa mga magpapapako sa krus na sina Ruben Enaje at Bob Velez.

Si Velez, sinabing patuloy daw niyang gagawin ang pagpapapako sa krus hangga't kaya pa ng kaniyang katawan.

Pag-amin naman ni Enaje, nakakaramdam na siya ngayon ng sakit sa pagpapapako hindi gaya noong taon niyang gawin ito.

"Nung unang taon ko po 'di ko naramdaman ang sakit pero habang tumatagal sumasakit na rin," pahayag niya.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad, tatlo ang crucifixion site sa San Fernando, Pampanga-- ang burol sa barangay San Juan, sa barangay Sta. Lucia at sa San Pedro Cutud.

Sa ngayon ay mayroon na umanong 11 tao ang nagpalista para magpapako sa krus. Pero ayon sa lokal na pamahalaan, maaari pang madagdagan ang bilang na ito habang papalapit ang Biyernes Santo.

TRIVIA: Unang dayuhang babae na nagpapako sa krus sa Pampanga

Ngunit hindi gaya ng mga nagdaang taon, ngayon ay hindi na papayagan ang mga dayuhan na makasama sa pagpapako sa krus.

Ayon kay Councilor Harvey Quiwa, chairman ng Maleldo 2015 executive committee, ang paghihigpit ay bunga ng nakaraang insidente na mayroong dayuhan na kasama sa ipinako pero ang video ay ginamit sa malaswang paraan.

Sinabi naman ni San Fernando mayor Edwin Santiago, na masusing sinusuri ang mga taong magpapapako sa krus at titiyaking handa ang mga ito sa kanilang gagawin.

Inaasahan umano na aabot sa 50,000 hanggang 60,000 katao ang manonood sa sa taunang pagpapako sa krus sa lalawigang ito.

Para matiyak naman ang kaligtasan ng mga tao, magpapakalat ng mga pulis at city marshal, at medical teams sa mga lugar na pagdarausan ng pagpapapako sa krus. -- FRJ, GMA News

Tags: holyweek2015
More Videos
LOADING CONTENT