Housing project noon na tila 'ninuno' ng mid-rise condo buildings ngayon
Kasunod ng pagtatalaga noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa kaniyang maybahay na si dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos bilang Minister of Human Settlement noong 1979, ipinatupad niya ang proyektong pabahay na tinawag na "BLISS" Housing project.
Bago mahirang na Minister of Human Settlement, unang itinalaga ni Marcos si Imelda bilang gobernador ng Metropolitan Manila Commission (MMC) na itinatag noong 1975.
Kabilang sa mga naging layunin ni Imelda ay resolbahin ang problema sa kakulangan ng disenteng pabahay sa Metro Manila. Dito na inilunsad ang pabahay na "BLISS" na ang kahulugan ay "Bagong Lipunan Sites and Services," na kaugnay pa rin sa programang "Bagong Lipunan" ng pamahalaang Marcos.
Ang BLISS housing projects ang tila "ninuno" ng mga mid-rise condominium buildings ngayon.
Pero hindi katulad ng mga mid-rise condominium buildings ngayon na itinatayo ng mga pribadong korporasyon na may kamahalan ang presyo, ang mga BLISS housing project ay sinasabing isinailalim sa sistemang rent-to-own sa murang halaga para sa mga manggagawa na may maliit na kita.
May mga BLISS project din na isinagawa sa ilang lalawigan bago mapatalsik sa kapangyarihan si Marcos noong 1986. -- FRJ, GMA News