Filtered By: Topstories
News

Barko ng Vietnam, namataan malapit sa Tubbataha Reef


Isang sasakyang pangisda ng Vietnam ang namataan diumano sa hilagang bahagi ng Tubbataha Reef sa Palawan Biyernes ng gabi, ayon sa Philippines News Agency nitong Sabado.

Ayonsa ulat ng PNA, sinabi ng Naval Forces West head na si Commodore Joseph Rustim Peña na nagpadla na sila ng patrol gunbat sa Tubbataha Reefs National Park upang alamin kung totoo ang ulat.

Kung napatunayang totoo, iyon n ang magiging pangatlong beses na may dayuhang sasakyang pandagat na tinangkang lumapit sa Tubbataha Reef ngayong taon.

Noong Enero 17, sumadsad ang minesweeper USS Guardian sa Tubbataha at natanggal lamang noong Marso 30. Noon namang Abril 8, isang barkong pangisda naman ng Tsina ang sumadsad rin sa lugar ngunit natanggal na rin ito.

Nagdulot ng pinsala sa reef ang parehong pagsadsad.

Ayon sa ulat ng PNA, nalaman ni Peña ang ulat nitong Sabado mula kay Tubbataha Management Office (TMO) chief Angelique Songco.

Namataan daw ng Tubbataha Park Ranger Station radar ang isang "unidentified vessel flying a Philippine flag" 3.4 nautical milya ang layo silangang ng hilagang bahagi ng atoll bandang alas-9 ng gabi ng BIyernes, ayon sa PNA.

Nilapitan daw ng Marine park rangers ang nasabing sasakyang pandagat bandang alas-10 ng gabi matapos makitang nasa kalahating nautical mile lamang ang layo nito sa bahura.

Yinatayang nasa 60 tonelada umano ang bigat ng sasakyang pandagat at "of Vietnamese origin" ito.

Nang makita raw ng crew ng barko ang paparating na park rangers, agad daw itong lumayo patungong hilagang silangan.

Nagpaputok daw ang park rangers ng warning shot ngunit patuloy na lumayo ang sasakyang pandagat. — JGV /LBG, GMA News