ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga iligal na paputok, nasabat sa raid sa Laguna at Cavite


Kinumpiska ng mga pulis ang mga iligal na paputok na natuklasan sa isinagawang magkahiwalay na raid sa mga probinsya ng Cavite at Laguna noong Huwebes. Sinabi rin sa ulat ng "Saksi" na isang tao ang nahuli sa raid sa isang bahay sa loob ng isang subdivision sa San Pedro, Laguna. Doon, nasabat ang kahon-kahong mga paputok na kinabibilangan ng ipinagbabawal na "Goodbye Earth," "Bawang," at "Diablo." Kahit ang ipinagbabawal na piccolo ay pinalitan lamang ng pangalan na "Pacquiao-Marquez." "Maawa na kayo sa akin, may sakit ako sa puso," pakiusap ng nahuling lalaking kinilalang si Jeffrey Ambaye. Inaresto ang caretaker matapos mabigong magpakita ng permit sa mga pulis na maaari siyang mag-imbak ng paputok sa bahay na iyon. Sa Cavite naman, ni-raid ng pulis ang isang grupo ng kabahayan sa Imus na nagsilbing pagawaan ng paputok. Ayon kay Imus police head Superintendent Red Maranan, nakasabat sila ng iligal na paputok at pulbura.   "Wala itong permit at ito'y nasa gitna ng residential area kaya napakadelikado nito," sabi ni Maranan sa isang panayam sa dzBB radio. Dagdag pa niya, mga apat o limang bahay sa Barangay Bucandala 3 sa lungsod ng Imus ang kinakitaan ng iligal na paputok. Ilan sa mga nasabat na paputok ay ang malalaking fountains, triangles, at iba pa at mga lalagyan ng pulbura. "May pagawaan at finished products," sabi ng opisyal ng pulis. Hindi kaagad malinaw kung may mga naaresto din sa nasabing raid. Pinaigting ng mga pulis ang pagkumpiska sa mga iligal na paputok lalo pa't papalapit na ang Bagong Taon. — LBG, GMA News