Filtered By: Topstories
News

'Pork barrel' ng mga mambabatas sa 2010 tinapyas ng Malacañang


MANILA – Isinumite na sa Kamara de Representantes ng Malacanang nitong Huwebes ang panukalang pondo ng pamahalaan para sa 2010 na nagkakahalaga ng P1.54 trilyon. Bagaman mas mataas ng walong porsiyento ang isinumiteng 2010 budget kumpara sa kasalukuyang taon, mas maliit naman ang pondong inilaan para Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga kongresista at senador na mas kilala sa tawag na “pork barrel." Nakapaloob sa 2010 budget ang P6.9-bilyong alokasyon sa pork barrel na mas mababa ng P2.7 bilyon kumpara sa P9.7-bilyong inilaan ngayong 2009. “We’re cutting PDAF by almost 30 percent and we hope that this will meet the concurrence of Congress," pahayag ni Budget Secretary Rolando Andaya na personal na naghatid sa Kamara ng 2010 General Appropriation Bill. "The proposed PDAF excludes spending for humps and waiting sheds," idinagdag ni Andaya. Sinabi ng kalihim na kasama sa P1.54-trilyong pondo ang tinawag nitong “menu of permissible programs" para sa paggagamitin ng PDAF kasama na ang edukasyon, kalusugan, livelihood, pabahay, water supply, irigasyon, mga kalsada, gamit ng pulisya, at sa pagtatanim ng puno. Ito na ang ikalawang pagkakataon na susubukan ng Malacañang na kaltasan ang pork barrel ng mga mambabatas. Noong nakaraang taon, isinumite ng Palasyo ang mas maliit na P6.2-bilyong pondo sa PDAF para sa 2009. Ngunit itinaas pa rin ng mga kongresista at senador ang alokasyon sa PDAF at inaprubahan ang P7.9-bilyong pondo. Bilang reaksyon, sinabi Speaker Prospero Nograles na hindi siya tutol sa mungkahi ng Malacanang bagaman may ilang kongresista ang hindi kuntento sa nakukuha nilang PDAF. "Personally as leader of the House we will accept and we won't object to the cuts so long as the same will all go to the pro-poor projects and tawid-pamilya grassroots level," pahayag ni Nograles sa text message sa mga mamamahayag. Sa halip na bawasan, nais naman ni Sorsogon Rep. Jose Solis na dagdagan pa ang kanilang PDAF at gawing P100 milyon bunga na rin sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin kasama na ang construction materials. Ngayong taon ay may alokasyon ang bawat kongresista ng P70 milyon sa PDAF, at P200 milyon naman sa mga senador. Sinasabing ang PDAF ang ugat ng katiwalian Kongreso dahil sa alegasyon na tumatanggap ng porsiyento ang mga mambabatas mula sa mga kontratistang nakakukuha ng proyekto. Ang PDAF ay hiwalay sa buwanang sahod na natatanggap ng mga kongresista at senador na tinatayang nagkakahalaga ng P59,186. Una rito, nagmungkahi si Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño na gawing P1 ang pork barrel ng mga kongresista para matiyak na hindi magagamit ang pondo ng gobyerno sa pamumulita dahil sa gaganaping halalan sa May 2010.- GMANews.TV