Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Araw ng kalayaan: Paglisan sa miserableng pagsasama


Sa nauna kong isinulat (Gusto mo ng forever? Ganito umiwas sa annulment), nagkuwento ako tungkol sa mga kaso ng pagpapawalang-bisa ng kasal (annulment) at pagdedeklara na walang kasal na naganap (judicial declaration of absolute nullity of marriage).  Sinabi ko rin doon kung paano magiging matagumpay ang pagsasama ng dalawang tao, kung paano maiiwasan ang paghihiwalay.

Marami akong email na natanggap na sumasangguni tungkol sa iba't ibang klase ng sitwasyon, karamihan kung paano maipapawalang-bisa ang kasal. Umabot ng mga 200 ang email na may tanong. Umabot din ng halos 100,000 shares ang Tagalog na bersyon ng sinulat ko, isang indikasyon na marami ang miserable sa pinakasalan, at gustong lumaya. 
 
Sasagutin ko rito ang karaniwang mga tanong na natanggap ko sa email.
 
Matagal ka nang kinakaliwa ni mister, nagtiis ka sa abuso sa salita at sa gawa...o kaya ay isa kang mister na naririndi na sa kaingayan at pagiging waldas ni misis. O kaya ay ilang beses na kayong naghiwalay at pareho kayong may gusto nang makasamang iba. Puwede ba kayong magkasundo na ipawalang-bisa na ang inyong kasal at sabay kayong maghain ng petisyon sa korte para sa annulment o declaration of absolute nullity ng inyong kasal?
 
HINDI PUWEDE. Ang kasal sa Pilipinas ay hindi lang patungkol sa dalawang tao (at kung minsan nakikisawsaw pa ang mga pakialamero sa angkan). Ang kasal sa Pilipinas ay protektado ng Estado. Kaya naman ang pagpapawalang-bisa nito ay hindi puwedeng pagkaisahan lang ng mag-asawang gustong lumaya.

Sa katunayan nga, pag naghain na ang isa sa inyo ng petisyon para sa annulment o pagpapawalang-bisa ng inyong kasal,  ang abogado ng gobyerno (public prosecutor) ay sasali sa usapan. Iimbestigahan niya kung may sabwatan kayong mag-asawa para mabura ang inyong kasal.
 
Ang sabwatan ay maaring pagkakasundo, pagpayag, o pagpapaubaya. Wala dapat nito sa pagitan ng mag-asawang gustong maghiwalay bago pumasok ang petisyon sa susunod na yugto sa korte. 
 
Sa tono ng ating mga batas tungkol sa hiwalayang mag-asawa, parang gusto nito na ang bawat hakbang sa pagtatapos ng isang matrimonyo ay mahigpit na tututulan. Tila gustong pahirapan ang pagtatapos ng bawat kasal. Kahit pa hindi sumipot ang hinihiwalayan sa korte, may tututol para sa kanya: ang Solicitor-General, sa pamamagitan ng isang public prosecutor, na sasali sa usapan bilang kinatawan ng Estado para tangkaing protektahan ang kasal na naganap.  
 
Sa paglilitis, ang public prosecutor ang magtatanong sa mga testigong ipiprisinta ng naghain ng kaso. Bukod sa testimonya ng nagkaso, dapat may iba pa siyang testigo na ihaharap sa korte para suportahan ang kanyang mga argumento para sa pagtatapos ng kanyang kasal. Huwag magkakamali; isa itong kaso, may mga pagdinig, at madalas itong umaabot ng dalawang taon.
 
Magastos din ang buong proseso. Karaniwang umaabot ito ng P250,000 hanggang P500,000, depende sa abogadong kukunin. May bayad din ang paghahain ng kaso na mula P4,000 pataas, depende sa halaga ng pag-aari ninyong mag-asawa. Mayroon ding gastos sa notaryo, transcript of stenographic notes,  photocopies, paggamit ng koreo, at iba pa.
 
Kung ang basehang gagamitin sa kaso ay psychological incapacity, magtabi pa ng mula P25,000 hanggang P50,000 para sa psychologist. 
 
Habang nasa korte ang inyong kaso, puwede bang pakasalan na ang kasalukuyan ninyong nililiyag?
 
HINDI.  Maaring matindi ang paggiyagis ng pagmamahal mo sa iyong kasalukuyang kasama, at sa tingin mo ang kasal ang romantikong patunay ng iyong wagas na pag-ibig, pero hindi ito puwede. May tawag diyan: bigamya. Isang kaso ito na magdadala sa iyo sa kandungan ng mainit na selda. Isa itong krimen.
 
Ang pinakamatalinong desisyon na magagawa mo sa ganitong sitwasyon ay maghintay. Maghintay sa desisyon ng korte na nagdedeklara ng annulment o absolute nullity ng iyong unang kasal. 
 
Kung mahigit limang taon nang hindi nagsasama ang mag-asawa, hindi ba't awtomatiko nang walang bisa ang kasal?
 
HINDI. Kahit umabot pa ng 100 taon na hindi kayo nagsasama, nagkikita, o nag-iimikan ng iyong pinakasalan, mag-asawa pa rin kayo sa ilalim ng batas, hanggang may isang mamatay sa inyo. Matutunaw lang ang isang kasal sa pamamagitan ng desisyon ng korte.
 
Narito ulit ang mga batayan sa annulment o pagpapawalang-bisa ng kasal. 

Bago maghain ng petisyon para sa annulment o pagpapawalang-bisa ng kasal, alamin mo muna kung saan nababagay ang iyong sitwasyon. Komunsulta sa isang abogado dala ang lahat ng papeles na may kinalaman sa iyong kasal. Maraming itatanong ang iyong abogado tungkol sa iyo, sa iyong mister o misis, at sa inyong naging pagsasama. Dito ka lang niya mapapayuhan kung ano ang susunod ninyong hakbang.
 
Kung gusto mong maideklarang walang naganap na lehitimong kasal, ang paghahain ng petisyon para sa legal separation ay hindi ang tamang paraan. 
 
Sa legal separation, maghihiwalay lang kayo ng tahanan at maghahati ng inyong mga ari-arian pero kasal pa rin kayo. Hindi ka maaring magpakasal sa iba dahil makakasuhan ka ng bigamya. Hindi ka rin puwede sa "live-in" o pakikisama nang walang kasal sa ibang tao dahil ito ay concubinage (kung lalaki ka) o adultery (kung babae ka).   
 
Paano kung ang iyong asawa ay isang banyaga at nakakuha siya ng divorce na nagbibigay kalayaan sa kanya upang makapag-asawa muli? Ikaw ba ay makikinabang din dito? Puwede ka na rin bang magpakasal agad sa iba o dapat ka pa ring magtungo sa korte para ipabawalang-bisa ang iyong kasal?
 
HINDI. Hindi ka pa rin puwedeng magpakasal sa iba. Hindi mo na kailangang maghain ng petisyon para sa annulment o judicial declaration of nullity ng iyong naunang kasal, pero dapat kang maghain ng petisyon para kilalanin ng korte ang divorce na kinuha ng iyong banyagang unang kapareha. Dinirinig ang petisyon na ito, tulad din ng ibang kaso. Dapat mong ipakita ang authenticated foreign divorce decree at ang authenticated copy ng batas tungkol sa kasal sa bansa kung saan nakuha ang divorce. 
 
Kung ikaw ay nagtatrabaho at nakatira sa ibang bansa at kukuha ka roon ng divorce, kikilalanin ba ito sa Pilipinas?
 
DEPENDE. Kung Filipino citizen ka pa rin, walang kuwenta ang foreign divorce na iyong nakuha. Walang diborsyo sa Pilipinas, at ang batas ng Pilipinas sa kasal ang taglay mo, saang lupalop ka man ng mundo pumunta. Ang mga banyagang mister o misis lang ang puwedeng kumuha ng divorce sa kanilang bansa. 
 
Sa kabilang dako, kung iba na ang citizenship mo, puwede kang makakuha ng divorce sa banyagang bansang tinitirahan mo, kahit pa Pilipino ka nang ikaw ay ikasal.
 

 
 

Si Atty. Reeza Singzon ay isang trial lawyer na humahawak ng kaso sa family law at civil law. Para sa mga tanong at komento, maari siyang sulatan sa reeza.singzon@gmail.com



Translated by Jaileen F. Jimeno