Pinoy artist-activist AG Saño finishes painting 1000 murals in 12 years
He's actually done it.
AG Saño announced that his distinctive murals now number a thousand!
"MURAL number 1000! Done!" the environmental activist and street artist wrote on social media in November.
Many a commuter in the Philippines has seen one: from the 3.8-kilometer mural facing EDSA in Camp Aguinaldo, to the ceiling mural adorning the Paseo De Roxas underpass.
The "artivist" (artist-activist) sat down with GMA News Online for an exclusive interview about the milestone that took more than a decade to reach.
Hi, AG. Congratulations on the 1000th mural! Naaalala mo pa ba 'yung pinakauna?
Ang pinakaunang mural sa aming street art campaign ay ang dolphin mural sa Camiguin Island sa Calayan Group of Islands, mga isla sa hilaga kung saan kami nagri-research ng mga balyena taun taon.
Teka pala. Para sa mga hindi pa nakakakilala sa 'yo, maaari mo bang ibahagi sa amin kung ano ang mga karaniwang tema ng marami sa mga ipinipinta mong mural?
Nagsimula ako magpinta ng mga dolphins pagkatapos ko mapanood ang isang documentary film tungkol sa dolphin trade and slaughters. Bilang isang environmentalist, mabigat sa loob ko makita ang maramihang pagpatay sa mga creatures na matagal ko nang pinagtutuunan ng oras para mapag-aralan. Bilang isang street artist, naisip ko magpinta ng mural para magbigay pugay sa kalikasan at tribute sa mga dolphins na hinuhuli at pinapatay. Umusbong ang adhikaing ito kung kaya't dumami nang dumami ang mga mural sessions ng aking grupo sa iba't ibang dako ng bansa at maging sa buong daigdig.
Ano ang Mural 1000, at ano ang kuwento sa likod nito?
Noong simula, ang hangad lang namin ay makapaglahad ng mehsahe at makapagkuwento tungkol sa kalikasan sa pamamagitan ng mga mural. Nang marealize namin na parami na nang parami ito, pinangarap namin na maka 100 man lang sa aming lifetime. Hindi namin aakalain na aabot sa bilang na isang libo.
Nitong nakaraang linggo, kalagitnaan ng Nobyembre, pinalad ako makabisita sa Dolphin Project sa Bali, Indonesia. Ang grupong ito ay itinaguyod ni Ric O’Barry, ang pinakamasugid na tagapagtanggol ng mga dolphin. Siya mismo ang sentro ng pelikulang "The Cove" na napanood ko noong March of 2010 at naging dahilan ng aking pagpinta ng murals. Kakatapos lang nila kamakailan magrelease ng dolphins na na-rescue nila sa mga circus show. Nagkataon na may pader sila na bakante kung kaya’t napagkasunduan namin itong pintahan. Pininta namin ang tatlong dolphins na napalaya nila matapos iprepara sa buhay sa labas ng mga kulungan.
Ano ang pinakamalaking mural na nagawa ng grupo mo?
Ang pinakamalaki ay ang magkatabing 80 foot concrete water tanks sa kanto ng Bony Serrano at 15th Avenue sa Barangay Socorro, Quezon City na naglalaman ng portraits nina Marcela Agoncillo, Gregoria de Jesus, at Kumander Liwayway o Remedios Gomez-Paraiso . Ang pinakamatangkad naman na mural namin ay ang 110 foot mural ng Rufous Hornbill sa RCB o Ramon Cojuangco Building sa Makati. Kasunod nito ang 96 foot water tank sa Santiago, Isabela.
Ano naman 'yung pinakamatagal ninyong trinabaho?
Ang pinakamatagal naming tinapos na mural ay ang 3.8 kilometer na pader ng Camp Aguinaldo kung saan kami ay nagpinta ng mga eksenang kapayapaan sa loob ng mahigit tatlong buwan. Sa simula ay tuwing Sabado at Linggo lang kami nagpipinta roon. Sa ikatlong buwan ay halos araw-araw na kami nagpipinta upang matapos 'to.
How about some uncommon themes; may mga mural bang naiba talaga ang tema mula sa nakasanayan mo?
Mula sa mga dolphins and whales, nag-iba-iba na rin ang mga creatures at themes sa aming mga mural. Mga marine creatures kadalasan ngunit may mga pagkakataong nagpipinta rin kami ng mga terrestrial creatures, mga walang boses na nilalang tulad ng Tamaraw na endangered. Mga tarsiers, deers, other native animals. Naging matimbang na rin sa mga tema namin ang climate crisis at pati mga ibang social issues.
Saan sa Pilipinas makikita ang pinakaliblib na mural?
Ang mga murals namin ay matatagpuan sa pinakahilagang bahagi ng Pilipinas sa Batanes kung saan may apat na pader kaming pinintahan sa Basco. Pero sa aking palagay, ang pinakamalayo o most remote mural na ginawa namin sa Pilipinas ay ang sa Taganak Island, isang maliit na isla sa Turtle Islands, sa probinsya ng Tawi-Tawi. Isa rin ito sa pinaka-"meaningful" para sa akin dahil ito ang naging inspirasyon ko para magpinta ng mga obra na may mensahe ng kapayapaan sa mga liblib na lugar sa Mindanao. Kasama ko nagpinta ang mga elementary student na tinuruan ko gumuhit at magkulay.
—MGP, GMA Integrated News