Filtered By: Lifestyle
Lifestyle
GALLERY

‘Hocus’: Sining sa panahon na binabaligtad ang kasaysayan


Kontroberysal at may saysay. Ganito maaaring ilarawan ang isang kakaibang eksibisyon na ngayon ay nasa National Museum of Fine Arts ng sa isang “historian who cannot paint and a painter wary of history.”

Kulang-kulang isang buwan na lamang ang ilalagi ng "Hocus" na nagbukas noong 16 April 2017 at magtatapos sa 29 October 2017.

Ang pangalan ng eksibit ay nagmula sa pinagsamang apelyido ng nagdalumat at nagpinta ng mga painting: ang abogado at historyador na si Saul Hofileña at ang naglagay ng kanyang hiraya sa canvass ay ang church painter na si Guy Custodio.

Nagbalik sa pagsasaayos ng isang eksibit bilang guest curator ang mismong dating direktor ng National Museum of the Philippines, unang international Filipina beauty queen, at manggagawa rin sa kultura, si Gemma Cruz Araneta.

Hocus din ang pangalan ng Angel de Cuyacuy, ang imahe na nagsisilbing pirma ng bawat akda nina Hofileña at Custodio, na kumakatawan sa anghel na walang ginawa kundi umupo at kumuyakuy habang nagbabasa sapagkat ang kanyang nais na kalabanin ay ang kamangmangan, lalo sa panahon ng pagbabaluktot sa katotohanan.

Kasaysayan ng Hocus

Nagsimula ang lahat nang makita ni Hofileña ang pagrerestore ng mga lumang painting sa Simbahan ng Alburquerque, Bohol ni Guy Custodio sa istilong kolonyal.

Kaya sa loob ng apat na taon, ay nagpapinta si Hofileña kay Custodio ng iba’t ibang simbolo mula sa panahon ng kolonyalismong Espanyol upang ipakita ang mga epekto ng Patronato Real, o ang pagkakasunduan ng Simbahan at ng Kaharian ng Espanya na tulungang ipalaganap ang relihiyong Katolisismo sa pagtustos sa mga misyunero kapalit ng pagkilala ng Simbahan sa kapangyarihan ng Espanya na pamunuan ang mga kolonya, samakatuwid nagiging patron o tagapagtaguyod ng simbahan ang hari. Nakilala ito sa pananakop sa pamamagitan ng krus at espada.

Pero tila parang magic! Hocus pocus! Akala ng mga tao, luma ang mga painting—ngunit mukha lang silang antique; ganoon kagaling si Guy.

Magic din na ang mga painting ay naging uri ng pagkukuwento ng ating kasaysayan na mayaman sa mga simbolo. Mag-uudyok ang mga ito ng usapin kung titingnan ang “devil in the details.” Kailangang basahin ang bawat painting na tila isang munting history book na nagtataglay ng mga kuwento natin.

 

‘The Lost Island of San Juan’ by Guy Custodio. Photo: Saul Hofileña
‘The Lost Island of San Juan’ by Guy Custodio. Photo: Saul Hofileña

Kasaysayan sa Hocus

May isang painting sa Hocus na nagpapakita sa Papa sa Roma, Alejandro VI sa pagitan ng Hari at Reyna ng Espanya at ng Hari ng Portugal. Hinati niya mundo na tila isang dalandan upang sakupin nila ang mga hindi pa nasasakop na mga lupain para sa katolisismo. Ito ang “Treaty of Tordesillas.”

Sa isang painting makikita ang mga anghel sa langit na tila mga sundalong Romano na bumababa sa mga kapuluang ito, ibinabandila ang mga ipapangalan ng mga Espanyol sa mga isla ng Pilipinas—Cebu, Pan-ay, Cavite, Leyte, Paragua (Palawan), Bo-ol, Nueva Caceres, Ylo-ylo, Nueva Castilla, Samar. Maiiba ang ating kinagisnang pamumuha sa pagmartsa ng Patronato.

Isa rin sa mga masasabing kontrobersyal na painting sa Hocus ay ang retablo ng mga iilang santo na ipinakilala sa atin ng Patronato Real sa kanilang pagdating noong ika-16 na dantaon upang pagsilbihan ang kanilang mga layuning kolonyal—San Isidro Labrador, San Antonio de Padua, San Vicente de Ferrer, Santa Magdalena, Santa Monica, San Francisco de Asis, San Miguel at San Roque. Hindi halos mapansin na sa pinakaibaba ng Retablo ay ang patron real—Haring Felipe II na nagpasimula ng pananakop sa Pilipinas.

Isa sa mga santong nasa retablo na ibinandila ng mga Espanyol si “Santiago de Matamoros”—ang apostol ni Hesus na kanila raw nakita sa isang hiraya na nakasakay sa kabayo at pumapatay ng mga Moro na sumakop sa kanila sa loob ng 700 taon. Ngunit sa isa pang painting sa Hocus, sa ginawa ng mga Espanyol napag-iiba sa ating kultura, pananampalataya at sa pagpapahirap sa atin, tila ang pinapatay ni Santiago sa larawan ay hindi ang mga Moro, kundi ang mga tao na nakaguhit sa lumang Boxer Codex—ang atin nang mga ninuno. Sa Hocus tinatawg siyang Santiago de Matamalayu—mamamatay ng mga Moro.

Sa Readers of the Lost Words—Lectores del Palabras Perdidas—makikita ang kinatawan ng limang orden ng mga pari na pinadala sa Pilipinas: Pransiskano, Rekoleto, Dominikano, Agustino, at mga Heswita. Nagbabasa sila ng mga dasal pero sila ay nakapiring. Tinuruan tayong magdasal pero hindi naman ipinapaintindi sa atin ang kahulugan ng ating mga minemoryang dasal.

Hindi lamang espirituwal na kapangyarihan kundi pulitikal na kapangyarihan ang mayroon ang mga prayle. Sa Breeze of the Forts—Briza de los Fuertes—ang mga prayle ay mga padre kapitan din na namahala sa depensa ng ilang mga isla. Ibinibuyangyang ang mga pamaypay na nakaguhit ang mga moog na kanilang ipinatayo sa buong bansa—Fuerza de Francisco, Feuerza de la Virgen del Pilar, Fuerza de San Felipe Neri.

Nariyan din ang isang larawan na nagpapakita ng pagtanggap ng Capitan Chino sa Katolisismo upang matanggap lamang sa lipunang kolonyal. Mayroon siyang Birhen ng Biglang Awa, pero hindi niya tinatanggap ng buo ang aral ng simbahan. Tinapon niya sa sahig ang Shih-Lu, ang doktrina kristiyana sa Wikang Tsino, ang isa sa mga unang aklat na inilimbag sa Pilipinas.

Mayroong Via Crucis, ang mga eksena sa paghihirap ni Kristo, ngunit ang background nito ay ang lumang larawan ng Maynila. Nagkakaroon ng ibang saysay ang paghihirap na Kristo, na paghihirap din ng mga Pilipino sa kamay ng mga makapangyarihan at prinsipalya.

May iba pang mga painting na idinrawing bilang Cartas Philipinensis, mga nalalarong tarot card na kung saan ang ilang simbolikal na mga eksena sa kasaysayan ay nangyari sa ilan sa mga mahahalagang lugar na ipinatayo ng mga Espanyol sa Pilipinas. Gayundin may ilang mga larawan na alusyon sa mga prayle bilang dinadaanan o susi ng indio sa pagtungo sa langit.

 

‘Santiago de Matamalayu,’ by Guy Custodio. Photo: Saul Hofileña
‘Santiago de Matamalayu,’ by Guy Custodio. Photo: Saul Hofileña

Intriga sa Hocus

Ayon sa rural legend, may isang lungsod na wala sa mapa na tinatawag na Biringan na nakikita ng ilang mga manlalakbay. Pero sa Hocus, nakakaintiriga ang isang painting ukol sa nawawalang Isla ng San Juan. Nakatala ito sa ilang mapa at napuntahan ng ilang manlalakbay.

Inirekord ang mga naninirahan dito sa ilang dokumento na naka-display din ang orihinal sa eksibit pero ni hindi mo mahanap ngayon sa kahit anong mapa ng Pilipinas sa kasalukuyan.

Saysay ng Hocus

Dalawang Hocus painting ang nagbibigay ng saysay sa atin ng mga salaysay sa eksibisyon.

Ang Puente de Capricho, ay tumutukoy sa Tulay ng Pigi sa Majayjay, Laguna na hindi natapos ng mga Espanyol na kinuwento ng bayaning si José Rizal sa El Filibusterismo. Hindi natapos ang tulay dahil sa tunggalian diumano ng mga prayleng Dominikano at Pransiskano sa hurisdiksyon ng Laguna. Isang matandang babae ang nasa ibaba ng painting, kailangan niyang mamili, aakyat ba siya sa tulay ng kapritso at patuloy na magiging bahagi ng kolonyal na sistema? O susundan niya ang isang bangka na may lulan na lalaking may tama ng bala sa likuran, na may hawak na aklat na tila Noli Me Tangere upang tumungo sa alternatibong destinasyon—ang pagkabansang Pilipino? Nakakalat sa larawan ang iba’t ibang simbolong nilikha ng National Hero natin na binaril sa Luneta, mga iginihit at nililok ni Rizal—ang Sybilla Cumana, ang pagong at ang matsing, ang draco Rizali, ang paghihiganti ng ina. Kaalipinan o kalayaan?

Ang huling larawan ay isang tatluhang obra (triptych) na tinatawag na La Pesadilla—The Nightmare. Ito ay tila ang labanan ng mabuti at masama sa paggunaw sa mundo. Ang local na aswang laban sa mga anghel sa langit. Sa pagitan nito, nawawala ang Kristo sa kalbaryo tulad ng sinasabi ng mga matatanda na patay ang Kristo tuwing Biyernes Santo. Mga demonyo ay pinapatay ang mga indio tulad ng ginawa ng mga Espanyol at ipinakita sa mga painting ng Aklasang Basi, pinatay, pinugutan, ikinulong sa mga hawla. Makikita ang isang taong patuloy na nasa harapan ng salamin at walang pakialam.

At isang pigura ng isang taong may sumbrerong tatsulok na katabi ng isang relong counter-clockwise ang numero—binabaligtad ang nakaraan, hinahayaang ang “trivializing,” na ilubog sa isang whirlpool ang salitang HISTORIA upang mawaglit sa lahat. Ayon kay Saul Hofileña, napapanahon ang mensahe ng pigura, “[He is a man] mindlessly obscuring the past, a hindrance to preparing for the future.” Anong aral ng kasaysayan ang makukuha kung ang kasaysayan ay binabaluktot.

Ang mga patay na katawan sa panahon ng Espanyol, ay mga eksena pa rin ng kamatayan sa maraming panahon sa ating kasaysayan, at sa ating panahon.

Puntahan niyo na sa National Museum ang surreal at engaging na exhibit na ito, libre ang museo, at nang mabalikan ang kuwento ng ating nakaraan, sapagkat ayon nga kay Hofileña, tayo ang mga kuwento na ating sinasalaysay. — BM, GMA News

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association. Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”

Sa Sabado, 7 Oktubre 2017, magkakaroon siya ng libreng lektura sa National Museum of Fine Arts (Lumang Kongreso) sa ganap na 1:30 ng hapon na pinamagatang “Teaching Philippine History and the Patronato Real Through The Hocus Collection.” Inaanyayahan ang lahat.