Retraction ni Jose Rizal: Mga bagong dokumento at pananaw
There seems to be no end to the debate whether Rizal retracted his writings against the Catholic Church on the very last day of his life. Will a new independent testimony settle the debate finally?
Ayon sa ilan, si Jose Rizal, na pinaslang ng mga kolonyalistang Espanyol 120 years ago, December 30, 1896, ay naging bayani dahil sa kanyang mga sinulat upang wasakin ang ideya ng kolonyalismo at palayain ang isip natin upang mabuo ang bansa—ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo at ang kanyang mga sanaysay sa La Solidaridad, na kumuwestiyon sa mga paniniwalang nakabubulag sa atin, lalo na ang pagsunod sa kagustuhan ng mga prayle bilang sugo ng Diyos.
Ngunit, ilang oras bago siya barilin, pinirmahan daw ni Rizal ang isang dokumento na nagsasabing siya raw ay isang Katoliko at binabawi niya lahat ng kanyang mga sinulat laban sa simbahan. Nakilala ang dokumento bilang ang retraktasyon, “The Retraction.” Dahil sa kanyang pagbabalik-loob sa simbahan, ikinasal sila ni Josephine Bracken, ang kanyang huling pag-ibig.
Ayon sa ilan, mas lalong naging dakila si Rizal sa pagkilala ng kanyang mga kamalian laban sa pananampalataya. Ngunit para naman sa marami, hindi kapanipaniwala na sa huling sandali ng kanyang buhay, babawiin niya ang kanyang mga sinulat, ang dahilan ng kanya mismong pagkabayani. Para na rin niyang itinapon ang kanyang kabayanihan.
- Ang testimonya ni Padre Vicente Balaguer
Kahit natagpuan ang sinasabing dokumento ng retraktasyon noong 1935, patuloy ang pagdududa. Lalo na sa itinuturing na natatanging eyewitness account ng pangyayari—ang isinulat ng Heswitang si Padre Vicente Balaguer. Paano naman kasi, ang resonableng si Rizal ay bigla na lamang nagising ng makailang beses, apat na beses na nangumpisal, nagpamisa, nangomunyon at nagrosaryo pa. Kakatwa para sa ilan, kabilang na ako.
Isa ako sa mga historyador na hindi naniniwala sa retraktasyon. At para sa akin, hindi na matatapos ang “Retraction Controversy.”
Isa lamang ang maaaring magresolba nito, sabi ko—kung magkakaroon ng isa pang eyewitness account ng gabi at umagang iyon na maaaring magpatunay o magpasinungaling sa retraktasyon o sa testimonya ni Padre Balaguer.
- Ang testimonya ng Cuerpo de Vigilancia
Nitong 4 August 2016, binasa ni Commissioner Rene R. Escalante, ang OIC ng National Historical Commission of the Philippines, ang isang “Professorial Chair Lecture sa Rizal Studies” na pinamagatang “Re-examining the Last 24 Hours of Rizal Using Spy Reports” sa De La Salle University.
Sa mga dokumento ng mga espiyang Espanyol na tinatawag na Cuerpo de Vigilancia, matatagpuan ang ulat na isinulat sa araw ng kamatayan ni Rizal ni Federico Moreno, na nagkukuwento ng pahayag sa kanya ng isang ahente ng Cuerpo de Vigilancia, isang bantay sa selda ng Rizal, samakatuwid, isang “additional independent eyewitness account.”
Ayon sa pahayag, sumulat si Rizal ng isang papel na narinig niyang ang retraktasyon. Binanggit rin ang dalawang paring Heswita na pumasok sa piitan ni Rizal—si Padre Jose Vilaclara at Padre Estanislao March, at dalawa pang tao, sina Juan del Fresno at Eloy Moure. Narito ang ilang bahagi ng sanaysay na isinalin na sa Ingles mula sa wikang Espanyol:
“Most Illustrious Sir, the agent of the Cuerpo de Vigilancia stationed in Fort Santiago to report on the events during the [illegible] day in prison of the accused Jose Rizal, informs me on this date of the following:
“At 7:50 yesterday morning, Jose Rizal entered death row accompanied by his counsel, Señor Taviel de Andrade, and the Jesuit priest Vilaclara. At the urgings of the former and moments after entering, he was served a light breakfast. At approximately 9, the Assistant of the Plaza, Señor Maure, asked Rizal if he wanted anything. He replied that at the moment he only wanted a prayer book which was brought to him shortly by Father March.
“Señor Andrade left death row at 10 and Rizal spoke for a long while with the Jesuit fathers, March and Vilaclara, regarding religious matters, it seems. It appears that these two presented him with a prepared retraction on his life and deeds that he refused to sign. They argued about the matter until 12:30 when Rizal ate some poached egg and a little chicken. Afterwards he asked to leave to write and wrote for a long time by himself.
“At 3 in the afternoon, Father March entered the chapel and Rizal handed him what he had written. Immediately the chief of the firing squad, Señor del Fresno and the Assistant of the Plaza, Señor Maure, were informed. They entered death row and together with Rizal signed the document that the accused had written. It seems this was the retraction.”
Makikita na ang dalawang binanggit na opisyal, sina Juan del Fresno at Eloy Moure, ay ang mga nakapirma mismo sa dokumento ng retraktasyon na tumayong mga saksi. Gayundin binanggit ng guwardiya na bago dalhin sa Luneta si Rizal, ikinasal siya kay Josephine Bracken:
“At 5 this morning of the 30th, the lover of Rizal arrived at the prison …dressed in mourning. Only the former entered the chapel, followed by a military chaplain whose name I cannot ascertain. Donning his formal clothes and aided by a soldier of the artillery, the nuptials of Rizal and the woman who had been his lover were performed at the point of death (in articulo mortis). After embracing him she left, flooded with tears.”
At ang nakagugulat, itinala ni Moreno, ang lahat ng taong pumasok sa selda noong gabing iyon, ni minsan, walang binanggit na may pumasok na Padre Balaguer. Ibig sabihin wala si Padre Balaguer doon, maaaring secondary source na lamang siya at kinapanayam lamang sina Padre Vilaclara at Padre March upang buuin ang kanyang testimonya.
Mayroon akong malaking paniniwala na walang dahilan para magsinungaling ang guwardiya o si Moreno lalo na at ginawa nila ang tala sa mismong panahon na iyon.
- Ang sinulat ni Rizal sa kopya ng “Imitations of Christ”
Kamakailan, isang kopya ng “De La Imitacion de Cristo” na isinulat ni Thomas á Kempis ang ipinaubaya sa Direktor ng Pambansang Museo ng Pilipinas, Jeremy Barns. Ito ang mismong kopya na ibinigay ni Rizal kay Josephine Bracken sa kanyang huling pagbisita dito sa araw ng kanyang kamatayan. Isinulat niya dito, “To my dear and unhappy wife, Josephine, December 30th, 1896, Jose Rizal.”
Liban sa tinawag niyang “wife” o asawa dito si Josephine, na maaaring magpatungkol sa pagiging legal ng kanilang kasal, ang mismong aklat na ibinigay niya sa huling babaeng kanyang minahal ay isang aklat ukol sa paggaya sa landas ni Kristo. Namatay siyang Kristiyano.
- Ang paglalagay ng “krus” sa kanyang mga huling sulatin
Ang krus ang unibersal na simbolong Kristiyano. Pinaalala sa akin ni Prop. Wensley Reyes ng Philippine Normal University na sa dalawang sulatin ni Rizal bago mamatay binanggit niya ang simbolong ito.
Sa kanyang huling bilin sa pamilya na hindi na nila natanggap hanggang noong 1953 (ang sulat ay naging bahagi ng donasyon ng Spanish Foreign Minister Alberto Martinez Artajo y Alvarez sa pamahalaang Pilipinas):
“Ilibing niyo ako sa lupa. Lagyan ninyo ng panandang bato at KRUS. Ang aking pangalan, araw ng kapanganakan at ng kamatayan. Wala nang iba. Kung pagkatapos ay nais niyong bakuran ang aking puntod, maaari niyong gawin. Wala nang anibersaryo. Mas mabuti kung sa Paang Bundok. Kaawaan ninyo si Josephine.”
Sa kanyang huling tula, binaggit din ni Rizal ang panandang krus sa kanyang libingan ng dalawang beses.
“Suffer the moon to keep watch, tranquil and suave, over me:
Suffer the dawn its flying lights to release:
Suffer the wind to lament in murmurous and grave manner:
And should a bird drift down and alight on my CROSS,
Suffer the bird to intone its canticle of peace.
“…And when my grave is wholly unremembered
And unlocated (no CROSS upon it, no stone there plain):
Let the site be wracked by the plow and cracked by the spade
And let my ashes, before they vanish to nothing,
As dust be formed a part of your carpet again.”
Kung titingnan ito, si Rizal ay nais na mabigyan ng isang Kristiyanong libing, samatuwid, namatay na isang Kristiyanong Katoliko.
Kaya naman sa liwanag na dala ng mga bagong labas na mga dokumento at mga bagong interpretasyon, maaari ngang si Jose Rizal ay nag-retract. Maaari ngang totoo ang retraktasyon. May dahilan kung bakit niya isinulat ang dokumento.
Ngunit mahalaga pa ba talaga kung totoo ito? Mababago ba ang paninindigan at nagawa ng isang tao sa kanyang buong buhay ng pagtindig at katapangan ng isang papel na pinirmahan niya sa araw ng kanyang kamatayan? Hindi. Hindi. — BM, GMA News
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.