Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Ano ang pinanggalingan ng debosyon ng Pilipino sa Sto. Niño?


 The devotion to the Sto. Niño, although foreign, was appropriated by Filipinos and has become a truly Filipino devotion.
The devotion to the Sto. Niño, although foreign, was appropriated by Filipinos and has become a truly Filipino devotion.
 
Ang ikatlong linggo ng Enero, ay ipinagdiriwang taon-taon bilang pista ng Santo Niño.  Maging sa ibang araw ng buwan na ito, may iba’t ibang pagdiriwang ukol sa Sto. Niño sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.  Popular ang debosyon sa Sto. Niño sa Cebu, Kalibo, Iloilo, Tacloban, Pandacan at Tondo sa Maynila at maraming pang iba. 
 
Ngayong nagbukas na ang International Eucharistic Congress sa Cebu, sentro muli ang selebrasyon ang Sto. Niño.  Liban sa krus, ang imahen kasi simbolo ng unang pagtatangka na gawing Katoliko ang mga Pilipino sa Cebu noong dumating si Magellan noong 1521.
 
Ngunit bakit nga ba malapit sa Pilipino ang Santo Niño?
 
 
Ang Pinagmulan ng Konsepto ng Sto. Niño
 
Akala ng marami, ang orihinal na debosyon ng pagsamba sa batang Hesus ay nagsimula Holy Infant Jesus of Prague sa kabisera ng Czech Republic. 
 
Ang orihinal na kahoy at wax na istatwa ay ibinigay ni Prinsesa Polyxena von Lobkowicz sa mga Discalced Carmelites noong 1628.  Ang istatwang ito ay naunang naibigay sa Prinsesa ng kanyang ina na isang Espanyola noong kanyang kasal at may leyenda pa sa pamilyang ito na nagmula mismo ang istatwa kay Santa Teresa ng Avila.  Kung gayon, maaaring sa Espanya nga nanggaling ang debosyon sa mga mas nauna pang istatwa tulad ng maliit na istatwa ng Sto. Niño sa Asturias, Espanya na nililok noong 1340 pa lamang, mas nauna sa Holy Infant Jesus of Prague. 
 
Ayon sa kwento, noong ika-13 siglo, sa panahon ng pananakop ng mga Muslim sa Espanya, sa lumang bayan ng Atocha sa Arganzuela, Madrid, binihag ng mga Muslim ang ilang Kristiyano, at pinagkaitan sila ng pagkain.  Tanging ang mga batang 12 taong gulang pababa ang pinapahintulutan na magdala sa kanila ng pagkain.  Ang mga asawa nila ay nanalangin sa Madonna and Child ng Atocha lalo ang mga walang anak upang tulungan sila ng Panginoong Hesus. 
 
At nagsimulang kumalat ang kwento na isang hindi kilalang bata ang nagbibigay ng pagkain sa mga bihag na walang anak.  Nang bumalik sa birhen ng Atocha ang mga asawang babae upang magpasalamat, nakita nilang madumi ang sapatos ng batang Hesus sa kandungan ng birhen, at sa tuwing papalitan nila ito, nadudumihan muli.  At dito nila napagtanto na mismong ang bambino Hesus ang tumutulong sa mga bihag gabi-gabi.  Kumalat ang kwento at ang debosyon. 
 
Sinulog at ang Pagtanggap ng mga Pilipino sa Sto. Niño
 
Ang pagsamba sa batang Hesus ay pinaniniwalaang nagsimula sa Espanya kaya naman hindi na nakapagtataka, na nang mapadpad si Ferdinand Magellan sa Cebu noong 1521, dala-dala niya ang imahen ng bambino Hesus.  Noong April 14, sa araw na binyagan sa Katolisismo ang Hari ng Sugbu na si Rajah Humabon at 800 Sugbuanon, nagpabinyag sa wakas ang misis ni Humabon nang maantig dahil ibinigay ni Magellan sa kanya ang isang 15-sentimetrong estatwa ng Santo Niño. 
 
Ngunit ang pagtanggap ba ng reyna sa estatwa ay nangangahulugang naintindihan niya ang Katolisismo?  Ganoon lang ba kadali iyon? 
 
Nang bumalik ang mga Espanyol noong 1565, nahanap ni Adelantado Miguel Lopez de Legazpi ang Santo Niño na sinasamba sa isang kubo tulad ng isang anito, inaalayan ng mga bulaklak.  Ibig sabihin nang tanggapin ng mga Pilipino ang Katolisismo inangkin nila ito at inugnay nila ito sa paniniwala sa kanilang mga anito. 
 
Kaya marahil sa isip ng reyna, nang makita ang Santo Niño kanyang naisip, “Ay, kay ganda-gandang anito!”  Isang child-God, “Bata nga Allah” o Bathala.  Ang sinkretismo o paghahalo na ito ay tinatawag na “Folk Catholicism.” 
 
Kaya naman, sa iba’t ibang lungsod sa bansa, sinasayawan na tila isang anito ang Santo Niño.  Sa sayaw sa pakikidigma na sumisigaw ng “Hala-bira,” na ginagaya ang mga katutubong aeta o ati sa Aklan kaya kinukulayan ng itim ang sarili, ay naging Ati-Atihan.  Gayundin, sa Iloilo, may Dinagyang ngunit ipinagdiriwang sa ikaapat na Linggo ng Enero.  At siyempre, sa unang pinaglunsaran ng Santo Niño sa Pilipinas, ang Cebu, nariyan ang Sinulog na sinimulan noong 1980.
 
Sa datos na nakuha ni Dr. Julius Bautista ng National University of Singapore sa kanyang aklat ukol sa mga paniniwala ng mga tao ukol sa Santo Niño, ang Figuring Catholicism:  An Ethnohistory of the Santo Niño de Cebu, ang sinulog ay nagmula sa salitang Bisaya na “sulog” o alon. 
 
Bagama’t ang Sinulog ay isang mas bagong kapistahan ang pagsayaw ng two-steps-forward-and-one-step-backward-shuffle na tila isang alon na ginagawa kasabay ng pagtunog ng mga tambol ay matagal nang tradisyon na ginagawa sa harap ng poon.  Ginagawa ito ng kalalakihan ngunit mas kadalasan ng kababaihan sa harapan ng batang Hesus bilang pasasalamat sa kaginhawaan o kagalingan na natamo dahil sa pagdarasal sa Panginoon.  Dahil ito sa pangako na kapag gumaling ang mahal sa buhay, siya, o isang kinatawan niya, ang sasayaw sa pista ng Santo Niño. 
 
Sa pagsasayaw, isisigaw niya hawak ang isang kandila ang pangalan ng kung para kanino siya sumasayaw, at sasambitin “Pit Señor!” 
 
Ang Santo Niño sa Pakikibaka para sa Kalayaan at Pang-araw-raw na Buhay ng mga Pilipino
 
Sa sobrang importante ng Santo Niño sa mga taga Cebu, nang dumating ang pambansang rebolusyon laban sa mga Espanyol sa Cebu noong April 3, 1898, Palm Sunday, sa pangunguna ni Pantaleon Villegas, a.k.a. Leon Kilat, nilusob ng limang libong Cebuano ang mga Espanyol habang sumisigaw ng “Mabuhi ang Katipunan! Mabuhi ang Santo Niño!” 
 
Noong 2001, ang Sinulog ay sumabay sa tinatawag na EDSA Dos kaya ang mga Sugbuanon ay sumigaw ng “Erap Resign” kasabay ng mga sigaw ng “Pit Señor!” 
 
Sa sobrang naka-relate tayo at nakyutan sa kanya, binibihisan natin siya bilang pulis, press, sekyu, mananahi at chemist!  Isa sa atin, kasama natin. 
 
 
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.